Inis
Mahal ko ang Paris. Ang mga Pranses, hindi masyado. Kung nasa Paris kayo, huwag kayong pupunta sa Salvador Dali Museum, yung nasa Espace Montmartre na malapit sa Sacre Coeur. Mabubwisit lang kayo. Unang-una, ang mahal ng bayad, mas mahal pa sa tiket sa Louvre. Pagkatapos, pagpasok mo, wala yung mga importanteng Dali. Lahat ng laman ng museo kuno, late period—nung matanda na si Dali, malapit nang mag-retire, at para nang cottage industry ang trabaho niya. Bawa’t artwork, maraming kopya. Ewan ko kung bakit pumasok pa ‘ko doon, e sinabi na ng kaibigan ko na hindi sulit. Doon kasi sa front desk, may pusang natutulog. Paggising ng pusa, antipatika pala. Parang sila.
Yung pala, ang “museo” ay bentahan ng print at sculpture ni Dali. Lahat ng naka-display, puedeng bilhin. Commercial gallery pala, naningil pa ng admission. Asar na asar ako. Ang daming nakalagay na bawal daw kumuha ng litrato, kaya panay ang kuha ko ng litrato at gumamit pa ako ng flash. Pagkatapos, pinuntahan ko yung sales staff na mukhang masungit, itinuro ko yung mga print na naka-frame sa dingding, at tinanong ko kung magkano. Konti lang ang alam kong French, pero marunong akong magtanong kung magkano. Yun lang naman ang importante. (At kunyari lang na hindi sila marunong mag-Ingles. Meron silang English subject sa high school.)
Bigla siyang bumait at sinabi ang presyo ng lahat ng ituro ko. Sabi ko, talaga? Hindi naman pala mahal. (Talagang hindi ganoon kamahal, hindi nga lang ako bibili.) Kung anu-ano ang itinuro ko. Puede ko daw dalhin sa carry-on baggage, or for tax purposes, puedeng ipadala na lang ng opisina nila sa Switzerland. Talaga? Tinanong ko siya, Bukas ba kayo pag Sunday? Oo daw, at binigay niya yung card niya at tawagan ko daw siya pag papunta na ako.
Siempre wala akong intensyong bumalik. Nung papalabas ako, nag-irapan kami ng pusang antipatika.
March 27th, 2007 at 04:06
hi! raket din yung Dali Universe sa may Westminster sa London at mas malala pa ata kasi halos puro replicas lang ata ang naka display. buti nalang sinabihan din ako. so yung pera pambili ng ticket naisip ko nalang gamitin sa van gogh swag pang pasalubong sa mahilig. hehehe.