Merienda
Kahapon, nagmiminindal kami ni Carlo sa isang magarang restawran nang mapansin ko ang lalaking nakaupo sa kabilang mesa.
“Carlo,” sabi ko sa aking kaibigan, “Masdan mo ang dayuhan sa mesang iyon. Tila nakalimutan niyang maghilamos at magbihis bago lumabas sa kanyang tinitirhan.”
“Oo nga,” ani Carlo. “Kanina ko ba napansin na suot niya ang kanyang damit-panloob bilang panlabas.” Ang dayuhan ay nakasuot ng “sando” na maluwag, maikling pantalon, at tsinelas. Wala namang masama sa pagsuot ng pambahay sa labas ng bahay, nguni’t kung Pilipino ang gumawa nito, marahil ay hindi siya pinapasok sa nasabing restawran.
“Siguro’y kaibigan ng may-ari ang puti kaya’t pinatuloy siya rito kahit siya’y nagmistulang yagit,” sabi ko.
“Nguni’t disente ang may-ari at marahil ang kanyang mga kaibigan ay marunong ng disenteng pananamit,” dagdag ni Carlo, na bukambibig ang salitang “disente”.
Naniniwala kami na bawa’t tao ay may karapatang isuot kung anuman ang kanyang ninanais, nguni’t di dapat bigyan ng mas maraming pribilehiyo ang mga dayuhan dahil lamang sila ay puti at inaakalang mayaman.
Nakakaaliw talaga ang paggamit ng pormal na Tagalog, lalo na kung ito’y ipanlalait sa mga dayuhan na walang modo. (Kung sila ay nakakaintindi sa wikang Pilipino ay mas mabuti nga.) Masyado nating tinitingala ang mga banyaga samantalang minamata natin ang kapwa nating Pilipino. Dapat matuto ang mga bisita na makibagay sa atin dahil narito sila sa ating bansa. Hindi maaaring tayo na lamang palagi ang magbibigay sa kanila.
Naisip ko tuloy: Kung si Colin Farrell kaya yung dayuhan sa restawran ay nagkaroon kami ni Carlo ng ganitong diskusyon? Ngunit ang tanong na ito’y walang katuturan dahil hindi naman siya si Colin Farrell; kung si Colin Farrell siya ay agad-agad kaming nagpakilala, at malamang ay nag-aaway na kami ngayon.
Caffe Florian, Venice. Hindi dito naganap ang kuwento. Marahil kung ang turista ay pumasok dito na naka-pambahay ay minata-mata na siya ng mga tagapagsilbi. Patutuluyin nga siya, nguni’t daragdagan ang singil sa kanya.
November 20th, 2008 at 01:10
Double standards…huzzah!
November 20th, 2008 at 01:49
Naniniwala ako sa kasabihang “when in Rome, do as the Romans do”.
Marahil, kaya ganoon umasta ang dayuhang ikinukuwento mo ay marami siyang nakikitang Pilipino na ganoon ang gayak kapag kumakain sa labas, naglilibot, nagpupunta sa mall, at iba pang gawain.
Dito sa Qatar, akmang-akma ang iyong payo para sa mga Pilipino. Dapat mabasa nila ito.
Kamakailan, nabaliw kami ng aking kaibigan nang may makita kaming kabayan na kumakain sa KFC. Ang kanyang kasuotan: maluwag na puting sando, shorts na pang-basketball, tsinelas. Litaw lang naman ang kanyang utong doon sa maluwang na sando.
Kung ikaw ay nainis dahil sa gayak ng dayuhang puti na iyon habang kumakain sa isang restawran sa Pilipinas, marahil ay mapapamura ka kapag nakita mo ang gayak ng maraming kababayan natin dito kapag nasa isang lugar na dapat sana ay medyo disente naman ang kasuotan ng mga tao.
November 20th, 2008 at 02:51
Acheche…..
Tama ba namang pakialaman ang suot ng tao….
Ika nga, wala naman sa suot yun eh, nasa pagmumukha…..
At saka kahit pag damitin mo ng kula kulanit and puti….mukhang tao pa rin…o divaaa!
Atbp….
November 20th, 2008 at 08:42
Nakakatuwang mabasa ka sa pilipino. Tila mas maraming nilalaman at sinasabi ang bawat salita. Marahil dahil mas may nilalaman ang bawat salita ng ating wika. Alam mo ba na kung isasalin ang mga kasikal na sulatin sa griyego ay mas malapit ito sa orihinal kung sa salitang pilipino isasalin? Naikpakita ito sa amin ni Padre Ferriols ng Ateneo, na isang pilosopo at dalubhasa sa mga wika.
Isang araw nga’y inisip ko ang salitang “anak”. Mula diyan ay sumibol ang “ka-anak” o “maganak” na ang ibig sabihin ay malapit na kapamilya. Lumalayo ng kaunti ang relasyon kung dadag dagan mo ng “ka” para maging “kamaganak”. At mas lumalayo pa kung uulitin mo ang unang dalawang kataga para maging “kamakamaganak”. Ang ganda, hindi ba?
Ipagpatuloy mo ito, binibining Jessica Zafra.
November 20th, 2008 at 10:19
Hey Jessica,
Tama ka! Masyadong inaapi ng mga Pinoy ang kapwa Pinoy. Na-witness ko ito one time mismo sa NAIIA, (airport). Ang Pinoy security guard pinaa-alis agad ang mga naghatid sa mga Pinoy passengers; pero may isang Pinay na hinatid ang boyfriend niyang puti, ayun, nag-ne-necking na dun sa labas, hindi pinansin nung guwardiya. Grabe. Talagang bubuweltahan ko talaga yung guard, para tanungin bakit hindi niya pinapansin ang dalawa, sabi lang ng wifey ko, Ssshhh… me armalite yan, wala ka sa Canada, nasa Pinas ka. At least sa ibang bansa, equal treatment, takot kasi sila sa civil rights suit.
Tama ka again, masarap mag-tagalog.
November 20th, 2008 at 10:23
sa isang dayuhang tindahan ng damit, ang mga filipino ay agad na itinuro sa mga bagay na may diskwento ang presyo. ngunit nang may pumasok na mga dayuhan, ang mga tindera ay nagkagulo at ipinakita ang kanilang bagong koleksyon. ang sarap sana nilang pagmumurahin, pero buti na lang at disente ako.
November 20th, 2008 at 12:37
Utak-alipin. Iyan ang mahirap tanggalin sa ating mga kababayan. Dapat sana’y binanggit mo ang pangalan ng mapagkunwaring restoran na ito. Kahiya-hiya ang ganitong mga Pilipino. Kaya tayo’y lalong nayuyurakan, dahil ang iba sa atin ay handang magpayurak, lalong-lalo na sa mga dayuhang puti.
“Hospitality,” o utak-alipin?
Kapag tayo’y binabastos na ng mga dayuhan, at hindi tayo umiimik, hindi na ito “hospitality.” Iba na ang tawag dito.
Mas mainam kung ating ipamumukha sa restorang iyan ang kanilang pagkakaroon ng utak-alipin upang hindi sila pamarisan.
Gusto ba nating igalang tayo ng iba? Matuto tayong igalang ang ating sarili.
November 20th, 2008 at 13:29
Kumusta, Jessica. Isa ako sa isa sa madami mong masugid na mambabasa. Nakakatuwa na mabasa ang mga artikulo mo sa tagalog. Bihira na akong makabasa ng mga aklat at artikulo sa pormal na Pilipino. Siguro noong kolehiyo pa ang huli.
Pagputuloy mo lang. Siguro pwede mo ring gawin ito sa Philippine Star mo na kolum.
Sigurado akong maraming matutuwa, tulad ko.
November 20th, 2008 at 13:59
Haynaku, ipagpaumanhin ang aking kapangahasang makisawsaw sa usapang gamit ang wikang sa wari ko’y masyadong nauugnay sa Sipnayan (salamat sa Google sa terminilohiya), iyong pag-aaral sa mga bilang o pamilangan, atbp.
Huwag isiping kinamumuhian ko ito bagkus ay isa ito sa mga salitang ibig kong maging bihasa, ngunit ito lamang (Sipnayan, natural!) ang naiisip kong dahilan kung bakit hindi ko nakahiligang magsulat gamit ang salitang ito. Bakit? Dahil sa tuwing magtatangka akong gamitin ito sa aking pagsulat ay narooron siya sampu ng kaniyang makuriring panuntunan ng balarila.
Sabi ko nga naroroon siya nakatambad sa gitna ng aking talaan, mapanuri sa bawat pilantik ng aking lampang pluma (nga pala huling ginamit ko ang salitang ito sa aking balediktoryo sa elementarya) at mapanuya tuwing nalilito ako kung alin sa ‘ng’ at ‘nang’ ang dapat gamitin.
Walandiyo, inatay, marahil alam niyang ako’y Cebuano, ‘Day/’Dong! Tanong ko lamang, masyado bang naiiba ang baralilang Bisaya sa Tagalog? Pero huwag na, hindi rin naman ako ganoon kahusay magsulat gamit ang dilang aking sinilangan.
Ngunit, ako’y lumiko sa aking totoong pakay. Pasensiya na po sa isang talyadang may problema sa pamilangan. Kaya nga madalas nagugulangan ng mga hinayupak na damuhong… Hmp! Huwag na. Imverni-varga aketch tuwing naiisip ko sila…
Ano ba yon?! Lumiko na naman ako. ‘Kaloka ano?
Ngayon, patungkol naman sa usapang Pinoy na masyadong feeling hindi na ako magpapakalayu-layo pa sa lunan ng aking ikukuwento dahil ito’y nangyari dito mismo sa lugar na aking pinagtatrabahuhan.
Isang araw itinago ng aming tea boy ang microwave oven. Alam ko na siya ang gumawa nuon kasi siya lang naman ang naghahari-harian sa loob ng aming pantry.
Ipinagkibit-balikat ko ito ng isang lingo tutal naka-iskedyul namang kumain ako sa katapat na fast food. Ngunit sa isip ko’y Humanda ka ‘pag naisipan kong magbaon! dahil kahit na laki ako sa hirap hindi naman ako pinalaking sanay sa pananghaliang malamig pa sa nguso ng pusa.
Heto ka, mare, nangyari ang dapat mangyari. Pinagalitan siya ng aming direktor. Natural! Mas pinapaniwalaan ata kahit saang pagawaan sa buong daigdig ang may kakayahan sa pansansinukob na lingguwahe ano?!
O heto ka ulet. Sa tono ng kanilang paliwanag sa akin pagkatapos mapagalitan ang kumag na amoy-sibuyas, aba ang mga hitad na Pinoy mas parang pinapanigan pa yata nila ang naturang tea boy.
Dahil ba magaling itong mag-Arabo?
Dahil ba isa itong matipunong Indiano?
O napapraning lang ako?
November 20th, 2008 at 14:35
Naikuwento ni Jaime Augusto Zobel na kadalasan, kapag siya’y dumarating sa paliparang NAIA at pumipila sa “Immigration”, pinagsasabihan siya ng guwardiya na lumipat sa pila para sa mga banyaga. Kailangan niyang ipaliwanag na Pilipino ang pasaporte niya. (Hindi yata maatim ng mga guwardiya na iba-iba ang itsura ng mga Pilipino, lalo na ngayon na milyun-milyong Pilipino ang namamalagi sa ibang bansa.) Nakakatawa dahil ang orihinal na gamit sa salitang “Filipino” ay “Kastilang ipinanganak sa Pilipinas”.
November 20th, 2008 at 14:39
Kahit saan ka naman magpunta dito sa atin, eh ganun ang pakikitungo ng ating kapwa mga pinoy sa mga dayuhan na mapuputi at talaga nga naman na parang walang mga modo.
Ewan ko ba…parang nagiging baligtad tuloy. Di ba ang sabi nilang mga banyaga, sila ang nagdala ng kultura at kung anu-ano pa sa ating bansa, tapos ganito na ngayon, pagkaraan ng ilang daan taon.
Dayuhang nakasando at di naliligo ang unang pagsisilbihan ng mga nakaunipormeng tagapag-silbi sa isang kainan.
November 20th, 2008 at 14:51
Mabanggit ko lang… Baka naman hindi kulay ng balat o kung saang bansa nanggaling ang nakikita nila kundi ang dolyares. May kasabihan nga tayo: Huwag mong isisi sa malisya ang maaring isisi sa pagkahumaling sa salapi.
(Fine, wala tayong ganung kasabihan, pero kahit na.)
November 20th, 2008 at 16:25
ang mga Pilipino kasi, nasanay na rin yatang magpaapi, inaalipusta angs ariling lahi, pero kapag banyaga, akala mo Diyos kung sambahin… tsk tsk..
http://fjordz-hiraya.blogspot.com
November 20th, 2008 at 18:18
Briton ang kasintahan ko nitong may limang taon na at magkasama kami ng tirahan dito sa lungsod ng Quezon. Sa ganong tagal ng aming pagsasama, natutunan ko nang palampasin ang mga karaniwang bagay na dating pinagmumulan ng aking galit.
Kahit saang tindahan kami pumapasok, siya lamang talaga ang binabati ng magandang umaga/tanghali/gabi, minsan pa kapag medyo magara ang tindahan e mamatahin pa ko ng mga nagsisipagtrabaho doon. Aaminin ng lahat ng aming mga kaibigan at kamag-anak (sapagkat ang pamilya niya ay dito rin nakatira sa Maynila) na mas maayos akong manamit sa kanya, kaya hindi naman siguro ako mapagkakamalang alalay o, mas masaklap pa, taong grasa. Kahit siya, bilang isang manunulat, ay pabirong mangangatwirang di siya sakop ng alituntuning pananamit sa halos lahat ng lugar.
Kapag kumakain kami sa labas, mapapansin naming laging nauunang dumarating ang pagkain niya kaysa sa akin. Malamang di naman ito sadya, marahil nagkakataon lamang. Pero mas madalas kaysa minsan ay huling dumarating ang pagkain ko. May isang pagkakataon pang di na nga talaga dumating ang pagkain ko. Nakalimutan daw ng tagapagsilbi, at di man lamang niya pinagtakhan na habang kumakain ang kasama kong puti ay yaon akong namumutla sa gutom. Doon ang kaisa-isang pagkakataong nanigaw ako sa kainang pampubliko.
Kapag naman kinukuha ko na ang tala ng bayarin namin sa kainan, laging sa kanya iniaabot kahit ako ang humingi, at kahit nakita ng tagapagsilbi na ang bayad ay nagmumula sa aking bulsa, ang sukli ay sa kanya pa rin iaabot. Para bagang hindi bagay sa akin ang may hawak ng salapi. Minsan isang kaibigan naming Briton ang dumalaw sa amin dito sa Maynila at sa aming bahay nanuluyan nang may halos dalawang buwan. Nang unang gabi namin siyang inilabas, inilibre namin sya ng hapunan at ito na nga ang nangyari. Sa kanya iniabot ang sukli na ako ang nagbayad kaya napamura siya at pulang-pula dahil sa kahihiyan at insultong ginawa sa akin ng tagapagsilbi. Wika ko, huwag na lang nating pansinin.
Matapos ang limang taon at tatlong bansa na pinaglagian namin, natuto na rin akong huwag pumansin ng mga ganitong bagay. Inaamin niyang siya’y nagagalit pa rin kapag nangyayari ang mga ito, pero ipinapaalala ko sa kanya na noong kami’y naglalakbay sa mga bansa sa Europa ay mas maganda ang trato sa akin ng mga puti kaysa sa kanya. Sa gayong batayan, patas lang kami.
Marahil hindi lamang sa mga Pilipino ang ganitong uri ng pakikitungo sa mga dayuhan. Kung di bibilangin ang mga may tangang poot sa ibang lahi, di kaya mas mabait at maayos lamang makitungo ang sinuman sa di niya kauri?
November 20th, 2008 at 18:25
Pahabol:
Ibinahagi ko ngayon lang sa aking kaibigang Pranses ang isinulat mo, at mabilis niyang tinuring na nang magtungo kame sa Paris ay mas maayos ang trato ng mga Pranses sa akin at sa kanyang Pilipinang kasintahan kaysa mismo sa kanyang nagmula sa Pransya at sa iba pang puting kasama sa aming grupo.
Siguro nga ay ganoon talaga ang karamihan ng mga karaniwang tao.
Maibahagi ko na rin lang na ang kaibigang Pranses na ito ay madalang maligo at bihira mag-ahit. Mayroon siyang amoy na di masyadong kanais-nais ngunit sa kalaunan ay natutunan na naming mga kaibigan nya na tanggapin bilang “Siya.” Di kaya siya ang nakita ninyo sa kainan? Wehehehehehe!
November 20th, 2008 at 23:31
Naririnig ko lamang ang salitang “minindal” sa mga tiyahin kong nagkakaedad 75 anyos pataas na, at itinatanong ko sa sarili ko kung ano ba yung salitang iyon. “Merienda” lang pala o “snack”. Sa aking obserbasyon, ang mga dayuhang iyan ay walang ka respe-respeto sa ating mga Pinoy. Biruin mo, si Quentin Tarantino ay dumalo sa isang parangal sa mismong Palasyo ng Malacanan na naka “jogging pants”, sinelas at barong Tagalog noong isang taon yata yon. Siguro kung siya ay hindi isang sikat na direktor at manunulat sa Hollywood ay kinastigo na siya ng ating mga mamamahayag. Pero hindi. Ipinalagay nila na ang pangyayari ay “cute” o katanggap-tanggap, sa kadahilanang si Tarantino diumano ay napilitang lumusong sa baha na dulot ng matinding pag-ulan. Kung bakit ba kasi hindi nagpadala ng isang SUV o di kaya’y isang “amphibious vehicle” ang palasyo para sunduin si Tarantino mula Manila Hotel, aber,aber? Minsan, tayo din ang nagbibigay ng dahilan para hindi tayo igalang ng mga dayuhan, hmp! Kunsabagay, kung ako man ang haharap kay GMA ay baka naisin ko pang magsuot na lang ng shorts, sando at ang aking sinelas na Havaiabas ang tatak. Babatiin ko siya ng: “Tita! Ang liit mo pala talaga!”
November 21st, 2008 at 09:25
Galing nyo mag Tagalog, pero dapat mag-Pilipino nalang kayo. Mahirap kasi sitain mga kano dahil demokratiko ang kultura nila. Isa pa, Americanized naman tayo eh.
November 21st, 2008 at 12:48
Baka naman yung dayuhang muhkang bagong gising at waring suot pa rin ang pantulog ay galing sa puerto o boracay, kung saan ang uri ng pananamit ay mistulang pangbahay?
Maaaring sya’y nakalimot na nasa ibang lugar na sya?
Maariring ubos na o di pa nalalabhan ang kanyang mga damit pangporma?
Maari wala syang pakialam sa iisipin ng iba?
O baka nakiusap sya na kung maari’y echa-pwerahin muna ang dress code ng restoran, kung meron man?
Pero ang ikinapuputok ng buchi natin ay kung bakit sya ganon, kung bakit sya pinayagang makapasok ng nino man.
At dahil ba sya ay puti kaya ganon ang kalakaran?
Malamang.
Minsan, kami ng aking tropa (TV crew) ay nagpunta ng Pangasinan para sa isang coverage.
Tumigil kami sa isang di-kamahalang hotel na marahil ay isa na sa mga pinakaluma doon. Muhkang 50’s o 60s. Puro barnisadong kahoy ang digding at ang sahig ay napakakintab na kahoy din.
Noong maghahapunan na kami, na-urirat namin na ang pagkain sa restoran ng hotel ay masarap at mura daw.
Kaya imbes na lumabas pa ay doon na kami nagtungo, suot at aming mga tsinelas, shorts, sando,laslas na T-shirt.
Naisip ko pa ngang magyapak dahil masarap maglakad sa sahig na nangingintab sa kakabunot, pero nagpigil ako, dahil di ko naman bahay ito.
Sa loob ng malaking dining room, kami lang ang tao kaya wala kaming paki-alam na mag-astang amin ang lugar.
Hangga’ magdatingan ang iba:
nakaporma, nakadisente, kulang na lang naka-amerikana sila.
Yun pala’y tagpuan ng Rotary ng Pangasinan yung aming nadaungan.
Damang -dama ko ang pagkamangha ng mga taga-roon sa hitsura naming mga dayuhan.
Nanliit ako. Ewan ko kung ganun din ang pakiramdam ng mga kasama ko.
Kaya wala pang isang sabi’y,pagkakain at pagkakain, niyaya ko bigla ang mga kasamahan kong lisanin ang silid-kainang iyon.
Ano sa Filipino ang katagang “contrast?”
Kasi doon sa contrast ng kanila at aming pananamit, ako tunay na napahiya, na syempre hindi ko ipinadama, sa mga matang “umaalipusta.”
Patay malisya, ika nga, pero hiyang-hiya.
Baka ganon si puting marungis…nakalimot o walang paki?
Pero damang-dama ang contrast?
November 21st, 2008 at 14:02
Nakakaaliw talaga na magbasa sa ating sariling wika. Naniniwala ako na isang mabisang paraan ito, Jessica upang mapalaganap ang paggamit ng sarili nating wika sa pamamagitan ng iyong “blog”. Samantala, ibig kong magbigay ng komento ukol sa iyong isinulat. Mga limang taon na rin akong nasa abroad, apat na taon sa London at ngayo’y isang taon na sa Amerika. Inaamin ko na isa ako sa mga Pinoy na mataas ang pagtingin sa mga dayuhan dahil lamang sa sila’y dayuhan. Ang nakakatuwang isipin, ngayong ako’y nasa ibayong dagat na naninirahan ay parang “wala lang” ang dating sa akin ng mga puting ito at minsan naiisip ko kung bakit ko nga ba sila tinitingala noon na kung tutuusin nama’y tao rin silang tulad ko. Sa bandang huli, pantay-pantay din naman tayong lahat. Isa pa, napagtanto ko na talagang mas may galing ang Pinoy sa maraming paraan. Ito ang dahilan kung bakit taas noo ako bilang Pinoy na terapista dito sa Amerika. Mabuhay ang wikang Filipino!
November 30th, 2008 at 07:46
maihahalintulad ito sa pangyayari nang umuwi ako sa pampanga ng biyernes santo para manood ng ipapako sa krus. sandamakmak ang mga tao noon. maraming kalalakihan (pinoy at dayuhan) ang nagpasyang magtanggal ng suot nilang kamiseta dala na rin ng napakainit na panahon. ang ipinagtataka ko, ang mga magigiting na pulis, ang mga kalalakihang pinoy lamang ang nilapitan at pinagsabihang bawal ang walang suot na pantaas, lalo na’t patay si kristo. magbigay-respeto daw kay kristo (na alam naman nating lahat na topless din ng siya ay ipako sa krus). nang kalabitin ko ang magiting na pulis upang itanong bakit hindi nito pinagsabihan ang mga dayuhan, ang sagot niya ay “Eh baka talagang naiinitan sila dito sa bansa natin. Kawawa naman.” Hindi ko napigilang magkomento ng “Manong, may double standard ka. Eh kita mo ngang pare-parehong tumatagaktak ang pawis ng lahat ng tao dito, mapa-pinoy or dayuhan.” Sabay alis ako, dahil ayokong mapa-away sa pulis, at mapresinto ng biyernes santo.