Sisig-sisigan
Tuwing napapadpad sa Lunsod ng Quezon, na tila ibang probinsiya dahil sa trapik galing sa Makati, kami ay naghahapunan sa Bagoong Club sa Scout Lazcano malapit sa Tomas Morato. Ang restawran na ito ay naghahain ng mga paboritong putaheng Pilipino tulad ng kare-kare, binagoongan, sinigang, sinampalukang manok, laing, at iba-ibang uri ng bagoong. Sabi nga ng kanilang menu, ang ulam ay Puro Kababuyan: crispy pata, crispy lechon paksiw, lechon kawali, menudong bagnet, atbp. Masarap ang pagkain sa Bagoong Club kaya’t kinakalimutan na muna namin ang kolesterol at carbs (mahirap hindian ang kanin kung may kare-kare), bagama’t binabalaan ko ang aking mga kasama na huwag matulog agad at baka sila ay bangungutin.
Noong Huwebes ay nag-hapunan kami nina Lee, Dorski, Angela, at Julius. Palibhasa’y katatapos lang ni Anj ng photography workshop, kinunan niya ng ritrato ang lahat ng pagkain sa mesa. Naroon ang aming mga paborito: bulalo sa monggo
laing, at kare-kare.
(Sabi ko na, hindi kaaya-aya ang itsura ng putaheng Pinoy sa ritrato. Iisa lamang ang kulay.)
Mahilig si Anj sa sisig, kaya’t sinubukan namin ang lechon sisig sa menu. Hindi natuwa si Lee pagdating nito. Lalong hindi siya natuwa pagkatapos niya itong matikman. Hindi ito sisig; dapat ito’y pinangalanang sizzling lechon paksiw.
Sa kakahanap ng sisig, umorder pa ang aking mga kaibigan ng Bagoong Club sisig. Hindi rin ito sisig, nguni’t sizzling bopis. Mabuti na lamang at di kami naubusan ng calamansi torte at pastillas de leche cheesecake, kaya’t di kami nag-alboroto.
Siempre masarap ang pagkain kasi maraming tsismis.
Ngayon ko lang napansin sa ritrato na nagkunwari pa kaming uminom ng Coke Zero. Nakakatawa.
January 12th, 2009 at 10:34
oo nga, kita yung coke zero sa background. hehe. except for the cakes, everything’s just brown. but they all taste GOOOOD!