The Stranger’s Child by Alan Hollinghurst: the Tagalog recap, part 2
II. Revel
Habang binabasa namin ang yugtong ito, naaalala namin ang mga nobela ni Agatha Christie kung saan may napaslang sa gitna ng pagtitipon sa isang malaking bahay at isa-isang kinakausap ni Hercule Poirot ang mga panauhin upang mahuli ang salarin. (Na siya ring napansin ng isa sa mga tauhan sa The Stranger’s Child.) Nguni’t matagal nang pumanaw at nailibing ang biktima: sampung taon na ang nakaraan mula nang mamatay si Cecil Valance sa Pransya noong WWI. Ang kanyang pagkamatay ay nalathala sa mga pahayagan, siya ay tinaguriang bayani, at mismong si Winston Churchill ang gumamit ng ilang linya mula sa kanyang pinakatanyag ng tulang “Two Acres” sa isang artikulo sa Times.
Sa ikasampung anibersaryo ng pagkamatay ni Cecil, nagtipon-tipon ang kanyang pamilya’t kaibigan sa Corley Court, hacienda ng mga Valance. Naroon ang nanay ni Cecil, si Lady Valance (“Ang Heneral”), at ang batang Lady Valance—si Daphne, na asawa na ngayon ng kapatid ni Cecil na si Dudley. Si Dudley ay isa ring manunulat, guapo, tila masayahin kundi may pangungutya at panunumbat ang kanyang pananalita. Napilayan siya noong giyera. Ang kanilang mga anak na sina Corinna at Wilfrid ay ipinaubaya nila sa isang Yaya.
Kabilang rin sa mga panauhin si George Sawle at ang asawa nitong si Madeleine, at si Sebastian Stokes, isang pulitiko na tagahanga ni Cecil. Napakalaking tagahanga, at magiging editor ng “Collected Poems” ni Cecil Valance. Plano ni Stokes na kausapin ang lahat ng kamag-anak at pamilya ng makata para sa libro. Naalala din namin yung mga “confrontation scene” sa pelikulang Pilipino kung saan nagpapalitan ng insulto at pasaring ang dalawang babaeng magkaagaw sa iisang lalaki. Nguni’t dahil nobelang Ingles ito, sa halip na magtarayan sina “Sebby” at George, pareho nilang tinatago ang kanilang tunay na damdamin para kay Cecil at sinasabing kaibigan lamang ang turing nila dito. Chos! Kaya pala noong naglalakad-lakad si George sa Corley Court naalala niya yung silid kung saan bigla siyang tinalon ni Cecil at hinalikan. Nakakaaliw din ang eksena kung saan nag-uusap sina George at Sebby sa kapilya sa tabi ng “effigy” (istatwa) ni Cecil at pinupuna ang mga kamalian ng iskultor.
Napuna ninyo ang pagkakahawig ng The Stranger’s Child sa Brideshead Revisited ni Evelyn Waugh. (Larawan: Sina Jeremy Irons at Anthony Andrews sa TV series na Brideshead Revisited. Kasama nila ang teddy bear ni Sebastian na si Aloysius.)
Noong si Daphne naman ang inuusisa ni Sebby, pinapalabas din niya na wala siyang alam tungkol sa tunay na saloobin ni Cecil. Nguni’t inamin niya na inalok siya nito ng kasal.
Panauhin din si Gng Freda Sawle at ang kaibigan nitong si Gng Clara Kalbeck, na may sakit at nahihirapan nang maglakad. Alam ni Gng. Sawle ang lahat—natagpuan niya ang mga sulat ni Cecil kay George, at noong tinanong niya ang anak tungkol sa kanilang relasyon, sinabi ni George na hindi na siya uulit. Pagkatapos nga ay nagpakasal ito kay Madeleine, isang babaeng tuod. Ang panganay ni Gng. Sawle, si Hubert, ay namatay sa digmaan, at ipinagbili na nila ang “Two Acres”. Sa pagkakaalam ni George ay nawala na ang mga sulat ni Cecil, nguni’t na kay Gng Sawle ang lahat at pinag-iisipan nito kung dapat silang isauli kay George.
Naroon din sa Corley Court si Gng. Eva Riley, ang decorator na kinomisyon ni Dudley upang baguhin ang anyo ng lumang bahay, at si Revel Ralph, isang artist. Masyadong maikli ang palda ni Eva at tila nais agawan ng asawa si Daphne.
Nagkaroon ng salu-salo, inuman, at sayawan. Sinubukan ng mga anak ni Daphne na tumugtog ng piano at magsayaw, nguni’t binulyawan sila ng kanilang ama. Lasing na lasing si Dudley at bumagsak mula sa kanyang upuan. Habang nagbibihis ito ay bigla niyang hinalikan ang kanyang asawa, na ikinagulat ni Daphne dahil matagal na silang walang pakialam sa isa’t isa. Lalo pang nagulat si Daphne nang magtapat si Eva ng pagnanasa para sa kanya. Hindi pala ang asawa niya ang gusto nito.
Lasing na rin sina Daphne at Revel nang pumunta sila sa silid ng mga bata; kahit tulog na ang mga ito ay nagbasa siya ng bedtime story. Pagkatapos ay pumunta sina Daphne at Revel sa ibang silid at naghalikan. Kahit alam ni Daphne na mas gusto ni Revel na makipaghalikan sa ibang lalaki.
Kinaumagahan, natagpuan ni Wilfrid si Gng Kalbeck sa kanyang silid, patay. Hinanap niya ang kanyang ama, at natagpuan si Dudley sa kuwarto na kasama si Yaya.
Abangan ang susunod na kabanata.
November 23rd, 2011 at 21:17
Aaaaaaaaaay!!! Ano ba yan! Makalipat nga sa Inglatera. Hahaha!
November 24th, 2011 at 00:21
Bakit kaya tila puro ganiyan ang nilalaman ng mga katha ukol sa Ingglatera sa pagitan ng una at ikalawang digmaang pandaigdig? Ganyan kaya sila talaga nuong mga panahong iyon?
Bukod sa “Brideshead Revisited” at “Maurice,” yung bagong teleserye na pumatok sa Estados Unidos at Reino Unido na pinamagatang “Downton Abbey” ay kauri rin ng mga ito — pinaghalong “social commentary” at “sexual dramedy.”
November 24th, 2011 at 07:00
cute ni koosi :) reader.
November 24th, 2011 at 10:34
Dahil kaya “repressed” ang mga Ingles at noon lang nagkaroon ng lakas ng loob ang kanilang mga manunulat na pag-usapan ang kabaklaan? Nakukulong pa ang mga lalaki na nahuhuling nakikipag-relasyon sa ibang lalaki. Kabilang na dito si Oscar Wilde.
Si Cecil Valance daw ay hango kay Rupert Brooke, isang makatang namatay noong WWI. Ang modelo para sa tulang “Two Acres” ay ang “The Soldier” ni Brooke, na naging sikat sa Inglatera noong digmaan: “If I should die, think only this of me/That there’s some corner of a foreign field/That is forever England…”
November 24th, 2011 at 16:57
I wonder if the BBC mini-series The Line of Beauty, which I watched 2 years ago on Veoh, was based on Hollinghurst’s 1st novel.
November 24th, 2011 at 17:45
No, his fourth.
November 24th, 2011 at 20:59
kailan po ba ang pangatlong parte? masyado na akong naaliw sa mga buhay buhay nila.
November 25th, 2011 at 13:45
Parang gusto ko tuloy basahin… ang Brideshead Revisited.
November 25th, 2011 at 17:04
Our favorite novels by Evelyn Waugh
Scoop
A Handful of Dust
Vile Bodies
Decline and Fall
Black Mischief
Not on list: Brideshead Revisited
November 25th, 2011 at 23:50
I haven’t actually read any Evelyn Waugh — I’ve only seen the Brideshead miniseries from 1981, which I thought was excellent. So why isn’t it one of your favorites?