The Stranger’s Child by Alan Hollinghurst: the Tagalog recap, part 4
British poets of World War I whose homosexuality/bisexuality was not acknowledged by their early biographers. 1. Rupert Brooke.
IV. ‘Something of a poet’
Taong 1980. Si Paul Bryant ay isa nang manunulat. May mga nailathala na siyang artikulo sa mga pahayagan, kabilang na ang review ng memoirs ni Daphne Jacobs (na dating Daphne Sawle/Valance/Ralph). Isang araw, sa London, sa gitna ng malakas na ulan ay nakita niya si Mrs. Jacobs. Malaki ang ipinagbago nito: halatang luma at hindi malinis ang damit niya, at parang hindi siya naaalagaan.
Bagama’t minsan lang siya sa isang taon sumakay ng taksi ay nagmagandang-loob si Paul na ihatid si Daphne sa istasyon ng tren. Ipinaalala ni Paul kung paano sila nagkakilala (sa ika-70ng kaarawan ni Daphne sa bahay ng anak nitong si Corinna) at nakiramay sa pagkamatay ni Corinna (kanser) at ng asawa nitong si G. Keeping (nagpakamatay). Tila hindi naaalala ni Daphne kung sino siya. Binanggit ni Paul na siya ay nagsusulat ng libro tungkol kay Cecil Valance, at nais niya sanang ma-interview si Daphne para dito. Halatang walang gana si Daphne na magsalita tungkol kay Cecil nguni’t ibinigay nito ang kanyang address.
Bumisita si Paul sa Two Acres, ang dating tahanan ng mga Sawle, kung saan isinulat ni Cecil Valance ang kanyang tanyag na tula. Hindi alam ng mga kapitbahay ang kasaysayan nito; ang nakikita lamang nila ay isang luma at sira-sirang bahay na gigibain para sa isang housing development.
Binasa rin ni Paul ang autobiography ni Dudley Valance, kung saan ikinuwento nito na matapos ang digmaan, ang kanilang ina ay kumonsulta sa isang spiritista sa paghahangad na makausap si Cecil. Sumulat si Paul kay Dudley, na nakatira na sa Espanya, upang humingi ng interview; sumagot ang asawa nito upang tanggihan ang kanyang hiling. Nakatanggap naman si Paul ng postcard mula sa dati niyang kasintahang si Peter Rowe, na isa nang manunulat na may programa sa telebisyon. Sinusuportahan ni Peter ang proyekto ni Paul, lalo na’t siya ang unang nagdala kay Paul sa Corley Court at sa rebulto ni Cecil.
Unang kinausap ni Paul si Jonah, isang katulong sa Two Acres noong bumisita doon si Cecil. Naniniwala si Paul na may nalalaman si Jonah tungkol sa tunay na relasyon nina Cecil at George Sawle (kapatid ni Daphne). Alam ni Paul na si George at hindi si Daphne ang inspirasyon para sa tulang “Two Acres” nguni’t kailangan niya ng pruweba.
Sa opisina ng Times Literary Supplement, nakilala ni Paul si Robin Gray na kamag-anak ng dating asawa ni Daphne. Sinabi niya na kakausapin niya si Daphne tungkol sa proyekto ni Paul.
Dumalo si Paul sa isang pagtitipon sa Cambridge University upang subukang makausap si Dudley Valance, nguni’t siya ay di pinansin, pagkatapos ay binara at ininsulto pa.
Ibang-iba naman ang pagtanggap sa kanya ni George Sawle noong puntahan niya ito sa bahay. Masyado itong madaldal—maraming rebelasyong ibinunyag, at sa kasawiang palad ay naubos ang baterya ng tape recorder ni Paul. Matanda na si George at ulyanin, nguni’t klarong-klaro ang alaala ng matagal nang nakalipas. Sinabi ni George na si Cecil ay mahilig maghubad, malaki ang ari, at nakipag-relasyon sa lahat, babae man o lalaki. Habang nililigawan nito si Daphne ay may isa pang babae na inalok nitong magpakasal.
Sinabi rin ni George na noong huling leave ni Cecil noong digmaan, dalawang linggo bago ito mamatay, nabuntis nito si Daphne. Samakatwid, si Cecil ang ama ng panganay ni Daphne na si Corinna. Hindi ito nabanggit ni Daphne sa kanyang memoirs.
Idinagdag pa ni George na hindi si Revel Ralph ang ama ng pangatlong anak ni Daphne, kundi ang kalaguyo nito na isang pintor. Bago umalis si Paul ay hinipuan siya ni George.
Sa wakas ay nakausap ni Paul si Daphne. Nakatira ito sa isang maliit na bahay na marumi at magulo. Kasama ni Daphne sa bahay ang anak niyang si Wilfred na 60 anyos na. Malakas pa rin uminom si Daphne at karamihan ng mga tanong ni Paul ay hindi nito sinagot.
December 8th, 2011 at 14:54
Ang sarap basahin. Nakakatawa lang kasi kahit Tagalog ako magsalita medyo semplang ako magsulat gamit ito; at kapag magbabasa naman ako sa lenggwaheng ito para akong bata, laging malakas at mabagal.
“..ay mahilig maghubad, malaki ang ari, at nakipag-relasyon sa lahat, babae man o lalaki.” Screw English!