6. Intervention: Letter to Bru by samutsari
Published 29 Nov 2011
Asan ka? AWOL ka na naman daw? Nag-away na naman kayo ng jowa mo ano?
Lagi ko namang sinasabi kasi sa ‘yo, tigilan mo na ang mga beinte anyos at hindi sila para sa ‘yo. Yang mga cougar cougar na yan na napapanood mo sa The Tyra Banks Show ay puro kailusyunan lamang. Nililinlang nila ang mga sarili nila. Iisa lang ang Ralph Recto sa mundo at nakuha na ni ate Vi.
Muntik na kitang itakwil nung di mo pinaalam sa akin na nagpa-Belo ka pala dahil gusto ni Karl ang malalaking suso at makakapal na labi. Friend, di ko lang masabi sa ‘yo, pero muntik na ‘kong mapakaripas ng takbo nung una kitang makita pagkatapos kang magparetoke. Hanggang ngayon nagkaka-nightmare pa ako pag naaalala ko ang itsura mo noon. Para kang si Margarito pagkatapos pulbusin ni Pacquiao. Inubos mo ang ipon mo para dito; ngayon gusto mong bumalik sa Belo clinic dahil nabibigatan ka sa suso mo. Lagi ka rin kamo sinisiksik ng mga lalaki sa jeep. Well, magtiis ka.
Lagi akong tinatanong ng asawa ko kung bakit kita pinagtitiyagaan. Sabi ko, ako na lang ang natitirang kaibigan mo. Pinasumpa ako ng nanay mo noong nasa ICU siya. Alagaan daw kita. Hirap na siyang huminga noon pero nakuha pa niyang ihabilin ka at sinabing “Girlie, ikaw na ang bahala sa kinakapatid mo, medyo kakaiba siya,” tapos nalagutan na siya ng hininga.
Kakaiba ka nga friend, pero di ko akalain na ganito ka kalala. Itinakwil ka na nga ng mga kapatid mo. Pano ba naman pati binatilyo ng landlady mo pinatos mo. Nakakahiya talaga ang itsura mo noong sinundo kita sa me barangay hall kung saan nakakalat ang mga maleta at mga damit mo.
Saang istasyon ng bus na naman kaya kita hahanapin? Maloka-loka ako sa kakakulit sa mga sikyo at yosi boy sa lahat ng Victory Liner terminals noong isang buwan dahil nagwala ka at gusto mong lumarga sa kung saang lupalop sa Pilipinas dahil nadiskubre mong nagdate si Karl at isa sa mga kaklase niya sa night school gamit ang perang binigay mo pang-tuition niya.
Sa totoo lang, pagod na pagod na ko sa kaka-blotter kada nawawala ka sa sarili mo. Me template na nga yung mga pulis sa WPD dahil sa dalas kong mag-report sa kanila. Di pa man ako nakakapagsalita ina-announce na nila (dinig pati ng mga preso) “o, si Ms. Supsup – marahil dahil sa kapal ng labi mo – missing in action na naman.”
Bakit nga ba tumagal ka diyan ke Karl? Yung mga nauna, fling fling lang. Alam ko, napakatigas ng mga muscles niya, kulay lalaki siya at maganda ang ipin niya. Sabi mo nga, dahil siguro mahilig siyang mag-floss. Pero naman, di ka ba nahihiyang madalas tanungin ng mga kakilala natin kung anak mo siya? Na sinasagot mo lang ng isang malutong na halakhak. Di ako nanlalait ng kapwa, pero di lang edad ang malaking pagkakaiba ninyo. Me MBA ka, siya high school lang ang natapos. Hayaan mo na sina Gerald Anderson at Sarah Geronimo sa pagkakaroon ng “langit at lupa” na pagmamahalan. Madalas di totoo yun. Pero dahil sa kahibangan mo ngayon, di ko na alam kung sino sa inyo ang mas matalino. Ang alam ko, praktikal lang siya. Ikaw ba naman ang me limang libong allowance buwan-buwan.
Di ko alam kung bakit nakuha mo pa siyang dalhin sa high school reunion natin. Diyosko, nakakahiya! Nakatunganga lahat, lalo na si Ms. Dimalanta, parang mahihimatay nung nag-dirty dancing na kayo. Ang lalaswa ng mga pics ninyo. Nakita ko sa FB. Balita ko natanggal daw si Karl sa security agency na pinagtatrabahuan niya.
Ewan ko kung mababasa mo ‘tong mahabang text ko. Nag-pm din ako sa FB. Me wifi-on-board na ang mga bus. Sumagot ka. Pudpod na suwelas ng sapatos ko.
-Girlie