9. Tandang Sora, Palabang Lola by johnbristol6
Published 10 July 2010
Maynila, 1896—Isang misteryosong sakit ang dumapo sa mga Katipunero. Halos kalahati sa kanila ang isa-isang tinubuan ng nagnanaknak na pigsa sa singit, na nagparalisa sa kanilang pagsagupa sa mga Espanyol. Dinala ang mga maysakit sa tahanan ni Tandang Sora, upang magamot at magpagaling.
“Conching, bunutin mo ang puno ng bayabas sa harap ng bahay,” ang utos ng 84-taong matanda na matamang nakatuon ang pansin sa mga nakabukangkang na Katipunerong namimilipit sa kanyang harapan.
“Ngunit Tandang Sora, nakabaon sa semento ang puno ng bayabas.”
“Nais mo bang tumulong sa Inang Bayan, Conching?”
“Over!” ang tahimik na sabi ni Conching sabay labas ng bahay bitbit ang isang gunting.
Wari’y nagsasagot ng Sudoku ang matanda habang nginunguya ang mga dahon ng bayabas na nasa kanyang harapan. Maya’t maya’y idinudura niya ang mga nginuyang dahon sa isang palanggana. Nang maubos niya ang buong puno, tumayo siya.
“Makinig kayong lahat mga Katipunero. Bihira ang sakit na dumapo sa inyo. Hayaan ninyong isa-isang itapal ni Conching sa mga nagnanaknak ninyong singit ang mga nginuyang dahon ng bayabas.”
Ilan sa mga Katipunero ay narinig na na nagsabi ng “gross” pero wala rin silang nagawa.
Nang matapos tapalan ng bayabas ang mga singit ng mga Katipunero, lumapit ang matanda kay Conching.
“Ipahid mo ito sa kanila pagkatapos gumaling ng sugat,” sabay bunot ng isang bagay sa bulsa ng kanyang saya.
“Ano po ito, Tandang Sora?”
“Contractubex, para mawala ang peklat. Dyahe kaya yung may peklat ka sa singit.”
“I know right!” ang sabi ni Andres Bonifacio na nakikinig pala sa matanda.
Umakyat muna sa ikalawang palapag ng bahay ang matanda para manood ng Glee, subalit nakakailang episodes pa lang siya ay narinig na niya ang malalakas na hinaing ng mga Katipunero. Agad siyang nagcartwheel pababa ng hagdan para kunyari may dramatic effect.
“Anong nangyayari dito?”
“Tandang Sora! Ang mga pigsa namin, nilalabasan ng mga alupihan!” sigaw ng isang Katipunero sabay pinanawan ng ulirat.
“Diyos kong mahabagin, binabarang kayo!” ang sabi ng matanda. “Mananagot sa akin ang may gawa nito.”
“Dapat nakinig na lang ako sa aking asawa at hindi na ako sumapi sa Katipunan. Sana’y nagniniig na lang kami ngayon tulad ng kanyang nais,” ang sabi ng isang Katipunerong nagdadrama doon sa may sulok.
“Siyang tunay!” ang sagot naman ng isang ayaw magpasapaw. “Ang aking misis din ay pinagsabihan akong manatili na lamang sa aming tahanan dahil lubhang mapanganib ang pakikipagsagupa sa mga Espanyol. Sana’y nakinig na lamang tayo sa ating mga asawa.”
Biglang napakunot ng noo ang matanda ngunit hindi rin halata dahil may wrinkles na siya sa noo noong panahong iyon.
“Lahat ng may asawa, itaas ang kamay!”
Nagtaas ng kamay ang halos kalahati ng mga Katipunero. Nilapitan silang lahat ni Tandang Sora at sinuri ang bawat isa.
“Anak ng mapanghing arinola,” ang sabi niya sa sarili.
“Matulog na kayong lahat mga anak. Bukas na bukas ay magagaling na kayo.”
Habang mahimbing na natutulog ang lahat, bumaba sa basement ng kanyang bahay si Tandang Sora upang buksan ang isang inaanay na baul. Sa loob nito ay isang cat suit na yari sa balat ng kalabaw na inalagaan niya noon, si Buffy.
“Panahon na upang magamit ko ito.”
Agad siyang nagbihis at nagpunta sa bubungan ng kanyang bahay upang suriin ang paligid. Halos wala nang ilaw ang lahat ng kabahayan maliban sa isang kubo sa di kalayuan.
Mula sa kinatatayuan, nagpatalun-talon ang matanda sa mga bubungan ng bawat bahay habang nakikinig sa You Want a Piece of Me ni Britney Spears sa kanyang iPod. Nang makarating sa kubo, maingat siyang naglakad sa ibabaw ng pawid upang hindi bumagsak.
Animo’y isang manananggal na naghahanap ng buntis, sumilip siya sa isang butas sa pagitan ng pawid, at nakita niyang nakapaikot sa paligid ng isang umuusok na palayok ang ilang kababaihang magulo ang buhok at naka-eyeliner.
“Anong dala ninyo ngayon?” ang tanong ng isa.
“Heto. Ang ingrown ni Pedring na nakuha ko kahapon noong nagpapedicure siya sa akin.”
“Ito, langib ng sugat sa paa ni Reming.”
“Balat ng labi ni Kardo. Tinanggal ko nung pinilit ko siyang magwild makeout session kami.”
Mayroong naglabas ng isang maikling piraso ng kulot na buhok ngunit hindi na niya sinabi kung ano iyon dahil hindi na nga naman kailangan.
Isa isa pang naglabasan ng kanya-kanyang baon ang mga kababaihan at inilagay ang mga iyon sa palayok. Nang matapos ang lahat ay nagsalita ang isa sa kanila.
“Mga inutil na lalake. Wala nang ginawa upang paligayahin tayo. Mas mahalaga pa ang bayan kaysa asawa.”
“Kurek!” ang sabi ng isa sabay tawa na akala mo’y sinapian ni Celia Rodriguez. “Kung hindi rin natin sila mapakikinabangan, mabuti pang wala nang makinabang sa kanila.”
“Exagg!” ang sabi ni Tandang Sora sa ibabaw ng kubo. “Mga tinamaan ng lintik itong mga dalahirang ito.” Sa sobrang stress ay napahugot siya ng tabako na nakasipit sa kanyang baewang at agad na sinindihan ito. Kung saan siya kumuha ng panindi ay di ko na alam.
Nagbackflip ang matanda mula sa bubong upang bumaba.
“Kraak.” Lumagutok ang gulugod niya pag landing pero ikinembot lang niya iyon. Agad siyang nanakbo sa talahiban at naghanap ng natuyong kugon. Pinagbubunot niya ang mga ito hanggang sa nakaipon siya ng isang malaking bungkos. Bumalik siya sa kubo at inilagay ang mga iyon sa pintuan ng bahay. Upang hindi marinig ng mga babae ang kanyang mga galaw, nagpanggap siyang isang tunay na pusa.
Pagkatapos ay bumunot siya ng papel at ballpen sa kanyang bulsa at nagsulat ng: “Kami ang may kasalanan—mga Espanyol.” Nilamukos niya ito at itinapon sa di kalayuan.
Ibinato niya ang nagbabagang tabako sa kugon, na agad na nagliyab. Nilamon agad ng malaking apoy ang kubo. Biglang naghiyawan ang mga nasa loob ngunit hindi na iyon pinansin ni Tandang Sora. Naglakad na lamang siya ng mabagal palayo sa nagliliyab na kubo at nagsindi ng isa pang tabako, habang tumutugtog pa rin ang You Want a Piece of Me sa kanyang iPod.
Kinabukasan ay ginising ang lahat ng isang binatilyong Katipunero.
“Mga kasama, magsibangon kayo, madali! Kailangan nating maghiganti!”
September 23rd, 2015 at 18:38
Happy anniversary, Jessica!