9 years, 9 stories: Game of Thrones in Tagalog
From 2013: A Translation of Ice and Fire
You win or you die from A Game of Thrones, translated by japz20
Takipsilim nang magtagpo sila ng reyna, habang nagsisimula pa lamang mamula ang kalangitan. Mag-isa lamang ito, alinsunod sa hiling nya. Ngayon lang nya nakitang payak ang bihis ng reyna, botang balat at simpleng luntiang gayak. Nang tanggalin nya ang kanyang talukbong, nakita ni Ned ang pasa na bakas ng sampal ng hari. Nabawasan na ang pangingitim at humupa na ang pamamaga, ngunit hindi maikakaila kung ano ito.
“Bakit dito?” tanong ni Cersei Lannister.
“Para nakikita tayo ng mga diyos.”
Umupo si Cersei sa damuhan sa tabi nya. Nakabibighani ang bawat kilos niya. Umaalon sa hangin ang buhok nyang kulay ginto at ‘sing luntian ng mga dahon sa tag-araw ang kanyang mga mata. Matagal na panahon na ang lumipas nang huling masilayan ni Ned Stark ang kagandahan nya, ngunit nakita nya ulit ito ngayon. “Batid ko ang katotohanang ikinamatay ni Jon Arryn,” pahayag nya.
“Batid mo?” Minasdan ng reyna ang mukha nya, animo’y pusa, mailap at maingat. “Kaya mo ba ‘ko pinapunta rito, Panginoong Stark? Upang handugan ako ng mga palaisipan? O layunin mo bang sunggaban ako, gaya ng ginawa ng iyong asawa sa aking kapatid?”
“Kung talagang pinaniniwalaan mo ‘yan, hindi ka paparito.” Marahang hinawakan ni Ned ang pisngi ng reyna. “Dati ka pa ba niyang ginaganito?”
“Isa, dalawang beses.” Umiwas ang reyna sa kamay nya. “Pero hindi sa mukha. Marahil napatay na sya ni Jaime, kahit pa ikamatay din nya ‘yon.” Matigas ang titig sa kanya ni Cersei. “Katumbas ng isang daan ng kaibigan mo ang kapatid ko.”
“Kapatid?” tanong ni Ned. “O kalaguyo?”
“Pareho.” walang gatol nyang sagot. “Mula noong kabataan pa namin. At bakit hindi? Tatlong daang taong inasawa ng mga Tagaryen ang isa’t isa upang mapanatiling dalisay ang dugo ng angkan nila. At kami ni Jaime ay higit pa sa magkapatid. Iisang tao kami sa dalawang katawan. Nagsalo kami sa iisang sinapupunan. Saksi ang aming maester nang iniluwal sya sa mundong tangan-tangan ang talampakan ko. Kapag nasa loob ko sya, pakiramdam ko… buo ako.” Bumakas ang bahagyang ngiti sa kanyang mga labi.
“Si Bran…”
Tinanggap iyon ni Cersei nang walang pagtatanggi. “Nahuli nya kami. Mahal mo ang mga anak mo, hindi ba?”
Ito rin ang mismong tanong sa kanya ni Robert noong umaga ng melee. Pareho lang ang isinagot nya. “Nang buong puso.”
“Gayun din ako sa akin.”
Kung nangyaring kinailangan kong mamili, isip ni Ned, buhay ng isang batang hindi ko kaano-ano, kapalit ng buhay ni Robb at Sansa at Arya at Bran at Rickon, ano kaya ang gagawin ko? At higit pa dun, ano ang gagawin ni Catelyn, kung buhay ni Jon, laban sa buhay ng mga anak na nanggaling sa kanya? Hindi alam ni Ned. Ipinalangin nyang hindi nya malalaman.
“Kay Jaime ang tatlong bata,” sabi nya. Hindi ito tanong.
“Salamat sa mga diyos.”
Malakas ang punla, iginiit ni Jon Arryn bago ito namatay, at gayon nga. Napakaraming bastardo, lahat kasing-itim ng hatinggabi ang buhok. Itinala ni Punong Maestrong Malleon ang huling pag-iisa ng usa at leon may siyamnapung taon na ang nakakaraan, nang mag-asawa si Tya Lannister at si Gowen Baratheon, ang ikatlong anak na lalaki ng namumunong panginoon. Inilarawan sa libro ni Malleon ang kaisa-isa nilang anak bilang malaki’t malusog na batang lalaki, na may makapal at itim na buhok, subalit namatay ito sa kasanggulan. Tatlumpung taon bago iyon, isang lalaking Lannister naman ang nag-asawa ng isang Baratheon. Tatlong dilag at isang binata ang naging bunga ng kanilang pag-iisa, at pawang itim ang buhok ng bawat isa. Gaano pa man balikan ni Ned ang tala sa mga naninilaw na pahina ng aklat ni Malleon, laging ang ginto ang nagbibigay-daan sa uling.
“Labindalawang taon,” ani ni Ned. “Paanong hindi kayo nagkaanak ng hari?”
Iniangat ni Cersei ang ulo nito, handang lumaban. “Minsan akong nabuntis ng Robert mo,” anitong puno ng poot. “Nakatagpo si Jaime ng babaeng… maglilinis sa akin. Hindi nalaman ni Robert. Ang totoo, hindi ko masikmura kahit hawakan nya lang ako. Maraming taon ko na syang hindi pinapayagang galawin ako. Sa ibang paraan ko na lamang sya pinaliligaya, kapag naiiwan nya ang mga puta nya at napapadaan sya sa kwarto ko. Anuman ang gawin namin, kinabukasan limot na nya ang lahat dahil sa sobrang kalasingan.”
Napakabulag namin. Nakaplaster ang katotohanan sa harapan naming lahat, bakas sa mukha ng mga bata. Nanlumo si Ned. “Natatandaan ko ang Robert na umangkin ng trono, isang ganap na hari,” sabi nya. “Maraming ibang babae diyan na magagawang mahalin sya nang buong puso. Anong nagawa nya sa ‘yo at gayon na lamang ang galit mo sa kanya?”
Nanlisik ang mga mata niyang animo’y berdeng apoy sa dapithapon, tulad ng leona ng kanyang insignya. “Gabi ng aming kasal, unang beses naming magsalo ng kama, tinawag nya ‘ko sa pangalan ng kapatid mo. Nakaibabaw sya sa ‘kin, nakapasok sa ‘kin, nangangalingasaw sa alak, at tinawag niya akong Lyanna.”
Nagunita ni Ned Stark ang mapupusyaw na asul na rosas, at sa sandaling iyo’y ninais niyang maluha. “Hindi ko alam kung sino sa inyo ang pinakakinakaawaan ko.”
Tila natawa ang reyna doon. “Sa ‘yo na ‘yang awa mo, Panginoong Stark. Hindi ko ‘yan kailangan.”
“Batid mo kung ano ang nararapat kong gawin.”
“Ang nararapat?” Ipinatong ni Cersei ang kamay nya sa hita ni Ned. “Ginagawa ng tunay na lalaki kung ano ang gustuhin nya, hindi kung ano ang nararapat.” Hinagod ng reyna ang hita nya, hagod na may bahid ng pangako. “Kailangan ng kaharian ng isang malakas na Kamay. Matagal pa bago maging ganap na hari si Joff. Walang nagnanais ng isa na namang digmaan, lalo na ako.” Hinaplos ng reyna ang mukha nya, ang buhok nya. “Kung nagiging magkaaway ang magkaibigan, maaaari ring maging magkaibigan ang magkaaway. Isang libong liga ang layo ng iyong asawa, at tumakas na ang aking kapatid. Maging mabuti ka sa akin, Ned. Ipinapangako ko sa ‘yo na hinding-hindi ka magsisisi.”
“Iyan din ba ang ipinangako mo kay Jon Arryn?”
Sinampal sya ni Cersei.
“Isang karangalan.” Walang emosyong sinabi ni Ned.
“Karangalan,” pasinghal na tugon ni Cersei. “Ang kapal ng mukha mong magmalinis! Ano’ng akala mo sa ‘kin? May bastardo ka rin, alam ko. Sino kaya ang kanyang ina? Isang walang pangalang taga-Dorne na ginahasa mo habang nasasakop sila? Isang puta? O ang nagdadalamhating si Dama Ashara ba? May nagsabi sa ‘king nagpatiwakal daw sya sa dagat. Bakit nga ba? Dahil kaya sa kapatid na pinatay mo, o sa anak na ninakaw mo? Sabihin mo, kagalang-galang na Panginoong Eddard, ano ang ipinagkaiba mo kay Robert, o sa akin, o kay Jaime?”
“Una sa lahat,” saad ni Ned, “Hindi ako pumapatay ng mga bata. Maiging makinig kang mabuti, kamahalan. Isang beses ko lamang itong sasabihin. Pagbalik ng hari sa pangangaso, ihahain ko sa harapan niya ang katotohanan. Sa sandaling iyon, wala ka na dapat dito. Ikaw, at ang tatlo mong anak, at hindi sa Kuta ng Casterly kayo tatanan. Kung ako sa ‘yo, sa Malalayang Lungsod ako tutungo, o sa higit na malayo pa, sa mga Isla ng Tag-araw, o sa Daungan ng Ibben. Kung saan ako ipadpad ng hangin.”
“Gusto mo kaming lumisan at magtago habambuhay,” tugon ni Cersei. “Napakapait na parusa.”
“Higit na mapait ang parusang iginawad ng iyong ama sa mga anak ni Rhaegar,” ganti ni Ned, “at magpasalamat ka dahil kung tutuusin, higit pa riyan ang nararapat sa iyo. Makabubuti kung isasama mo ang iyong ama at mga kapatid. Masalapi kayo, kaya ng iyong amang tumbasan ng ginto ang ginhawa at kaligtasan ninyo sa pagtakas. Kakailanganin nyo yun. Ipinapangako ko, kahit saang impyerno man kayo tumakbo, susundan kayo ng poot ni Robert, kahit sa dulo ng walang hanggan pa kayo magpang-abot.”
Tumindig ang reyna. “At paano naman ang poot ko, Panginoong Stark?” pabulong na tanong nito. Tiningnan siya nito nang mabuti. “Dapat ikaw ang umangkin ng kaharian. Abot-kamay mo na ito noon. Ikinuwento sa ‘kin ni Jaime na noong araw na nalupig ang Palapagan ng Hari, nadatnan mo syang nakaupo sa Aserong Trono, at ipinasuko mo iyon sa kanya. Pagkakataon mo na dapat iyon. Kinailangan mo lang akyatin ang ilang hakbang papunta sa trono, at umupo. Nakapanghihinayang na pagkakamali.”
“Marami akong pagkakamali na nagawa sa buhay ko,” tugon ni Ned, “ngunit hindi ko itinuturing na pagkakamali ang ginawa ko noong araw na iyon.”
“Ngunit nagkakamali ka, panginoon ko,” giit ni Cersei. “Kapag nilaro mo ang laro ng mga trono, ito lamang: magwawagi ka, o mamamatay ka. Wala ng iba.”
Nagtalukbong ng ulo si Cersei upang ikubli ang namamagang pisngi, at iniwan sya sa lilim ng robles, sa katahimikan ng sambahan ng mga sinaunang diyos, sa ilalim ng nangingitim na kalangitan. Nagsisilabasan na ang mga tala.
The dragons are born, from A Game of Thrones, translated by ohxanderthisisforyou
Nakakita siya ng mga pulang leon-de-fuego, mga dakilang serpiyenteng dilaw, mga unikorniyong yari sa maputla’t bughaw na dilang-apoy; naaninaw niya ang mga isda, mga soro, halimaw, lobo’t matitingkad na ibon, mga punong tadtad ng bulaklak, bawat isang pangitain, lalong maganda kaysa nauna. Nakakita siya ng isang kabayo, dakila’t abuhing bulugan, inukit ang hulma sa kimpal ng usok, kiling nito’y mabulak na ulap ng puwegong asul. Siyanga, irog ko, aking araw-at-mga-tala, siyanga, sumampa ka na, sumakay na ngayon din.
Nagsimulang nasunog ang kanyang tsaleko, kaya’t hinubad ito ni Dany at hinayaang mahulog sa lupa. Lumiyab ang pinintahang katad nang siya’y kumandirit papalapit sa apoy, nakahubo ang kanyang mga susò sa silab ng sigâ, nagdagta ang gatas mula sa kanyang namumula’t namimintog na utong. Ngayon na, naisip niya, ngayon na, at sa isang iglap, nakita niya si Khal Drogo sa kanyang harapan, nakasakay sa isang nag-aasông kabayo, may hawak na latigong tubog sa apoy. Ngumiting wari si Drogo, at humaplit ang latigo’t tumampal sa sigâ, sabay humaginit.
Nakarinig siya ng lagatak, tunog ng bumibiyak na bato. Ang tuntungang yari sa kahoy at talahib at damo’y gumiwang-giwang at dahan-dahang gumuho. Nahulugan si Dany ng mga piraso ng nasusunog na kahoy, at naambunan din siya ng abo at baga. At may kung-ano ring lumagapak, tumalbog, rumolyo’t tuluyang pumadpad sa kanyang paanan; isang tipak ng batong nakakurba, namumuti at waring may mga ugat na ginto, basag at umuusok. Nabingi sa hiyaw ang buong daigdig, subalit mula sa daluhong ng apoy, naulinig ni Dany ang taghoy ng mga babae’t hiyaw ng mga sanggol, dala ng lubusang pagkamangha.
Kamatayan lang ang kabayaran sa buhay.
May tumunog na ikalawang lagatak, malakas, sintinis ng kulog, uminog at nag-alimpuyo ang usok sa palibot niya, sumuray ang sigâ, sumabog ang mga kahoy nang madampian ng apoy ang kanilang nakakubling ubod. Narinig niya ang atungal ng mga kabayong sindak, at tinig ng mga Dothraking nagsipagpalahaw sa takot at rimarim, pati si Senyor Jorah na tumatawag sa kanyang pangalan habang nagtutungayaw. ‘Wag, ibig niya sanang isigaw, ‘wag, butihin kong kabalyero, ‘wag kang matakot para sa ‘kin. Akin ang apoy. Hindi mo ba nakikita? Ako si Daenerys Anak-ng-Unos, supling ng mga dragon, kabiyak ng mga dragon, ina ng mga dragon. Hindi mo ba NAKIKITA? Sa biglang pagbugso ng tilandoy ng liyab at usok na umabot tatlumpung talampakan sa langit, ang sigâ’y tuluyang nawasak at gumuho sa paligid niya. Nang walang katakut-takot, sumuong si Dany sa bagyo ng apoy, tinatawag ang kanyang mga anak.
Ang ikatlong lagatak ay malakas, sintinis ng mundong nawawasak.
Sa wakas, nang humupa ang sunog at lumamig nang unti ang lupa’t maari nang lakaran, natagpuan siya ni Senyor Jorah Mormont sa gitna ng mga abo, pinalilibutan ng mga trosong nanguling, mga nagliliyab na baga, at sunog na kalansay ng lalaki, babae, at kabayo. Siya’y hubo’t hubad, nilambungan ng agiw, damit niya’y nagsaabo, buhok sa ulo’y tinupok ng apoy…subalit hindi siya nasaktan.
Sumupsop ang dragong kulay krema’t lungti sa kaliwa niyang dibdib, samantalang yaong kulay lungti’t tanso’y sa kanan nanginain. Mahigpit niya silang niyakap sa kanyang mga bisig. Samantalang yaong itim at iskarlata’y lumatag sa balikat niya, nag-ikid at nagkubli ng mahaba’t ugat-ugatang leeg sa lilim ng kanyang baba. Nang makita si Jorah, ito’y nag-angat ng ulo, at tumitig sa kanya nang may mga matang simpula ng nagbabagang uling.
Napaluhod ang kabalyero, nanakawan ng bawat salita. Sumunod sa kanyang likuran ang mga kasapi ng khas. Si Jhogo ang unang naglatag ng arakh sa paanan ni Daenerys. “Dugo ng aking dugo,” bulong niya, sabay dantay ng mukha sa lupang nag-aasô. “Dugo ng aking dugo,” narinig niyang ulitin ni Aggo. “Dugo ng aking dugo,” sigaw naman ni Rakharo.
Kasunod nila’y nagsilapit ang kanyang mga katulong, sampu ng bawat Dothraki, lalaki man o babae o bata, at kinailangan lamang titigan ni Dany ang kanilang mga mata upang matanto niya, na sila’y sa kanya na, ngayon, bukas, at magpakailan pa man, nang lalong higit kaysa kay Drogo noon.
Nang tumindig si Daenerys Targaryen, sumagitsit ang Itim habang bumugso sa bibig at ilong nito ang usok na mamuti-muti. Umawat naman ang dalawa mula sa pagsupsop sa kanyang dibdib, sabay nagsaliw ng tinig sa bulahaw ng kanilang pagtawag; namukadkad ang mga pakpak nila, na nalalagusan ng liwanag, pumagpag at kumampay sa hangin – sa unang pagkakataon, sa loob ng maraming siglo, muling sumilakbo ang gabi sa himig ng mga dragon.
The epilogue, A Dance With Dragons, translated by ros
Natutulog, wari ni Kevan… hanggang maglaho ang malikmata sa kanyang mga mata at makita ang mapula at malamin na sugat sa ulo ng matanda. Dugo’y umaagos, naiipon, kinukulayan ang mga pahina ng aklat ng yaon. Kandila’y napalilibutan ng pirapirasong laman at buto, tila mga isla sa lawa ng tunaw na pagkit.
Nais nya ng mga tagapagbantay, naala-ala ni Kevan. Marapat sana’y binigyan ko siya ng mga tagapagbantay. Di kaya’y tama si Cersie matapos ang lahat? Ito ba’y kagagawan ng kanyang pamangkin? “Tyrion?” bulalas niya. “Nasaan …?”
“Ay nasa malayo,” tugon ng isang tila kilalang tinig.
Mula sa isang taong nakukubli ng anino, mapintog, maputlang mukha, mabilog na mga balikat, malalambot at mababangong mga kamay tangan-tangan ay pana. Mga paa’y nasasalo ng bakyang seda.
“Varys?”
Inilapag ng bating ang pana. “Marahil ipagpatawad mo Ser Kevan. Ako’y walang masamang pita ukol sayo. Ito’y ginawa di dahil sa pagkapoot. Ito’y ginawa para sa kaharian, sa mga supling nito”
Mga supling, may mga supling din ko. Ang aking asawa. Oh, Dorna. Bumuhos sa kanya ang hapdi, pait at kalungkutan. Pinikit nya ang kanyang mga mata at idinilat nang muli. “Daan… daang daang tagapagbantay ng mga Lannister ang nasa kastilyo.”
“Ngunit wala ni isa sa silid na ito, sayang. Tunay na ikinalulumbay ko ito panginoon. Di karapat-dapat na ika’y mamatay sa gabing malamig at nagiisa, tulad ngayon. Maraming tulad mo; mahuhusay, mababait na taong naglilikod sa buktot na layunin… ngunit nagbabalang ituwid mo ang lahat ng mga magagandang gawain ng reyna, ang mapagkasundo ang Highgarden at Casterly Rock, ang isailalim ang Simbahan sa inyong mumunting hari, ang pagkaisahin at isaklaw ang Pitong Kaharian sa pamumuno ni Tommen. Kaya…”
Bumugso ang malamig na hangin. Marahas na napanginig si Ser Kevan. “Kayo ba’y giniginaw panginoon?” Usisa ni Varys. “Muli ipagpatawad ninyo. ang Punong Maestro ay napadumi ng di oras habang syang namamatay, ang baho ay kasuklam-suklam wari ko’y ako’y mabubulunan ng sarili kong suka.”
Sinubukang tumayo ni Ser Kevan, ngunit nilisan na sya ng kanyang lakas. Manhid ang kanyang mga binti.
“Napagisipan kong angkop na angkop ang pana at palaso. Napakarami ninyong pinagsaluhan at pagkakatulad ni Panginoong Tywin, bakit hindi ito? Pagbibintangan ni Cersei na ang mga Tyrell ang syang nagpapatay sa inyo, marahil kasabwat ang kapatid nyang Tiyanak. Ang mga Tyrell pagbibintangan si Cersei. At anu’t ano pa man mayroong makakaisip ng dahilan para sisihin ang mga taga Dorne. Pagdududa, ang di pagkakasundo at kawalan ng tiwala ang kakain at dudurog sa lupang kinatatayuan ng paslit nyong hari. Habang itataas at iwawasiwas ni Aegon ang kanyang sagisag sa rurok ng Storm’s End at ang lahat ng mga panginoon ng kaharian ay magtitipon-tipon sa paligid nya.” “Aegon?” Saglit niyang di maunawaan. Hanggang bumalik sa kanyang mga gunita. Isang sanggol na nababalot ng balabal, lunod sa pula, pula ng sarili nitong dugo at gutay-gutay na laman. “Patay! Siya’y patay na!”
“Kamalian.” Wika ng bating, sa tinig na tila mas taimtim. “Siya’y narito na. Si Aegon ay hinubog nang mamuno bago pa man syang matutong maglakad. May kasanayan sya sa sandata, naaangkop para sa kabalyero ng hinaharap, ngunit hindi doon nagtatapos ang kanyang kasanayan. Siya’y marunong magbasa at magsulat, nakabibigkas ng iba’t ibang wika, nakapag-aral ng kasaysayan, mga batas at panulaan. Isang septa ang nagturo sa kanya ng mga misteryo ng Simbahan simula pa nang magkaroon sya ng kakayahang maunawaan ito. Nakipamuhay sya kasama ang mga namamalakaya, nakapagbanat ng buto, lumangoy sa ilog at mangumpuni ng lambat at natutong maglaba ng sarili niyang mga damit dulot ng pangangailangan. Marunong syang mangisda, magluto, magbigkis at maglinis ng sugat. Alam nya kung papaano ang magutom, kung papaano ang tugisin, kung papaano ang mangamba. Pinaalam kay Tommen na ang paghahari ay kanyang karapatan. Alam ni Aegon na ang paghahari ay isang katungkulan, na dapat isinasauna ng hari ang kapakanan ng madla, at mamuhay at mamuno para sa kanila.”
Sinubukang humiway ni Kevan Lannister… sigaw para sa mga tagapagbantay… panaghoy para sa kanyang asawa at kapatid… ngunit walang tinig na lumabas sa kanyang mga labi kung di dugo. Dugong umaagos kasabay ng pangangatog.
“Hay, muli ipagpaumanhin mo panginoon” papisil na wika ni Varys habang hawak ang kanyang mga kamay “Alam ko, ika’y naghihirap, ngunit heto ako salita nang salit na parang isang bruhang kulang-kulang. Tapusin na natin ang inyong paghihirap” Kinunot ng bating ang kanyang mga labi at sumipol ng marikit. Nanlalamig na si Ser Kevan at bawat hininga ay bagong pahirap at sakit na tumatagos sa kanyang buong katauhan. Nakabanaag sya ng paggalaw, nakaring ng mahihinang kaluskos ng mga paa sa sahig na bato. Isang paslit ang lumitaw sa anino ng kadiliman, maputlang batang lalaki, gulagulanit ang damit, di lalampas sa siyam o sampung-taong gulang. May isang lumitaw din sa likod ng upuan ng Punong Maestro. Ang batang babae na nagbukas sa kanya ng pinto ay naroon din. Pinalilibutan na nila sya, anim lahat-lahat, mga batang paslit, babae at lalake, mga mukhang di nangungusap, mga mata ng karimlan.
At sa kanilang mga kamay, ang mga balaraw.