Gandang Ganda Sa Sarili Sa Disyerto: An epic synopsis of Queen of the Desert starring Nicole Kidman
Iskrinpley ng GGSS SA Disyerto AKA Desert-Proof Ang Ganda Ko
A synopsis of Queen of the Desert (not Priscilla, Gertrude), written and directed by Werner Herzog and starring Nicole Kidman
by Noel Orosa, Executive Creative Director, Campaigns and Grey
ACT 1
Sa bahay ng mga Bell, kung saan sinesermonan ng kanyang ina si Gertrude.
MOMMY BELL: Gertrude, pansinin mo ang mga manliligaw mo, ha? Tandaan: Huwag masyadong magmaganda.
GERTRUDE BELL: Mommy naman, ba’t ako magmamaganda? Hindi mo ba alam na hindi ko alam kung gaano ako kaganda?
Sa isang baile kung saan naghahanap ng mapapangasawa si Gertrude.
MANLILIGAW 1: Matapang ako.
GERTRUDE: Maganda naman ako.
MANLILIGAW 2: Mayaman ako.
GERTRUDE: E ano? Maganda ako.
MANLILIGAW 3: Ang ganda-ganda mo.
GERTRUDE: Sigh….alam ko.
Balik sa bahay ng mga Bell kung saan bagot na bagot na si Gertrude.
GERTRUDE: Papa, masyado akong maganda para ikulong ni’yo lang sa palasyong ito!
PAPA BELL: Saan kaya babagay ang beauty mo… Alam ko na! Sa Tehran!
Sa British Embassy sa Tehran kung saan pinagdududahan ng mga opisyales ang pakay ni Gertrude.
BRITISH CONSUL: Ano’ng ginagawa mo dito?
GERTRUDE: Nagpunta ako rito para magmaganda.
BRITISH CONSUL: Yun lang? Yun lang talaga ang pinunta mo rito?
GERTRUDE: Oo.
BRITISH CONSUL: Hindi ako naniniwala sa ‘yo.
GERTRUDE: Maniwala ka man o hindi, yun lang talaga ang pakay ko.
BRITISH CONSUL: Talaga lang, ha? Aber, kanino ka magmamaganda?
GERTRUDE: Sa mga Turko.
BRITISH CONSUL: (pabulong sa kanyang sarili) Antipatika! Arestuhin ka sana ng mga Turko.
Sa disyerto. Slow-mo ang ihip ng hangin sa disyerto. Sa madaling salita, pati disyerto ay nagmamaganda. Dumadaan sa desierto si Gertrude kasama ang kanyang mga alipores at mga camel. Haharangin sila ng mga Turko.
MGA TURKO: (Kay Gertrude) Inaaresto kita.
GERTRUDE: Ang gandang ito? Inaaresto mo?
ALIPORES: Huwag kang mag-alala Ma’m. May papeles ako.
LIDER NG TURKO: (Kukunin ang papeles sa kamay ng alipores) Ano’ng papeles ‘yan? (babasahin ang papeles) Ang papeles na ito ay patunay na walang kasing ganda ang isang antipatikang nagngangalang Gertrude Bell. Signed, Ms. Diaz, Ms. Moran at Ms. Wurtzbach.
(Kay Gertrude) Hindi ko kinaya ang papeles mo. Ikaw na.
Sa British Embassy ng Tehran kung saan mapapaibig ni Gertude ang opisyales na si Cadogan.
CADOGAN: Gertrude…
GERTRUDE: Alam ko na’ng sasabihin mo. Mahal mo ako.
CADOGAN: Pa’no mo nalaman?
GERTRUDE: Sigh…
PINSAN NI GERTRUDE: (mangiyak-ngiyak) Pero ilang taon ko nang minahal si Cadogan…
GERTRUDE: Sigh. . .Ate, una—bakit ka sumisingit sa eksena? Alam mo namang ekstra ka lang sa talambuhay ko? Pangalawa, manalamin ka muna kaya para malaman mo kung bakit hindi ka niya pinapansin…
CADOGAN: (Kay Gertrude) Pakasal na tayo.
GERTRUDE: Game. Susulatan ko ang mga magulang ko ngayon din.
Paglipas ng ilang araw. Sa may fountain kung saan alam ni Gertrude na lalo siyang magmumukhang maganda kung siya ay umaastang walang kasing lungkot dahil hindi niya alam na maganda pala siya.
SUNDALO: May dala akong telegrama para sa ‘yo. By the way, alam mo bang napakaganda mo? Sa ganda mong ‘yan…
GERTRUDE: …wala kang ipagkakait sa akin.
SUNDALO: (takang-taka sa tamang sagot ni Gertrude) Pa’no mo nalaman?
GERTRUDE: Sigh… (Babasahin ang telegrama) Hoy, hija, umuwi ka ngayon din. Signed, Papa Bell.
Sa bahay ng mga Bell.
PAPA BELL: Hindi mo siya puedeng pakasalan.
GERTRUDE: Alam ko kung bakit mo sinabi yan! Pero manners dictate na tanungin pa rin kita: Bakit?
PAPA BELL: Masyado kang maganda para sa kanya.
GERTRUDE: Sigh…
Ilang araw ang nakalipas.
PAPA BELL: Hija, ikinalulungkot kong sabihin sa ‘yo. . .nagpakamatay na si Cadogan.
GERTRUDE: Bakit?
PAPA BELL: (may ibibigay na sulat kay Gertrude) Ito ang kanyang huling sinulat.
GERTRUDE: (babasahin ang sulat) Gertrude…ang ganda mo. Ang ganda-ganda mo talaga. Paalam.
PAPA BELL: Puede ka na uli bumalik ng Middle East. Mas bagay talaga ang beauty mo sa desierto.
Abangan ang susunod na kabanata. . .bukas.
March 7th, 2016 at 18:04
may igaganda pa si Gertrude bukas? may igaganda paaaa???
March 7th, 2016 at 21:47
Nakakaloka ang kagandahan ni Gertrude!!! #Bwiset
March 9th, 2016 at 19:49
Napapa-omg ako sa pagkakasulat nito. Ang ganda niya. Lubos akong nagandahan.