A Possessed Chorus: A review of Tanghalang Pilipino’s Ang Pag-uusig (The Crucible) by Deo Giga
Sinapiang Koro (A Possessed Chorus)
by Deo Giga
Sa mga huling sandali ng pelikulang The Crucible, maaalalang may pagka-sentimentál ang tagpo sa pagitan nina John Proctor (Daniel Day-Lewis) at ang may-bahay nitong si Elizabeth Proctor (Joan Allen). O lubhang sentimentál nga naman; tila layunin lamang ng pelikula na magpaiyak. Natatandaan kong puspos ng luha at hinagpis at pagpapaalam ang mga saglit na iyon—ngunit hindi sa paraang malamhing o nakasusuya o walang-kabuluhang sentimiyento lamang. Humantong sa ganoon ang pelikula mula sa sali-salimuot at makahulugang mga tagpo. Hindi ito tearjerker lamang. At lalong hindi ito pantasyang tulad ng The Craft na tungkol sa kulam at salamangka. Naalala ko rin kung gaano ako napoot at mabilis na humusga sa tinawag ko noong kakitiran ng pag-iisip ng mga “kontrabida.”
Kasalukuyang itinatanghal sa CCP “Ang Pag-uusig,” isang pagsasalin ng dulang The Crucible ni Arthur Miller sa Tagalog. Nilayon ni Miller na magpatungkol ang dula sa mga kalagayang pulitikal noon, lalo na ang McCarthyism (ang pagpaparatang ng kaliluhan sa bansa na walang sapat na katibayan).
Ayon mismo sa kanya, malimit matanghal ang dula sa Latin America, “just before a dictatorship is about to take over—as a warning—and just after one has been overthrown, as a reminder (bago magsimula ang isang napipintong diktadurya—bilang babala—at pagkatapos maigupo ito, bilang paalala).”
Dahil dito, isinama ng Tanghalang Pilipino ang dula sa kanilang temang “Utak, Puso, Bayan”. Sa isang pagtalakay ng dula bilang dula, o sa pamamaraang “art qua art” ikanga, hindi pa rin maiiwasang pansinin na kasalukuyan itong isinasa-entablado bilang patotoo sa patuloy na kabuluhan ng akda. Malinaw na napapanahon ang dula sa mga kaganapang pulitikal sa ating bansa ngayon.
Ikinatha man ni Miller ang batayang dula na may layong pampulitika, kinuha niya ang malaking bahagi nito mula sa mga orihinal na dokumentong naglahad ng mga paglilitis noong kasagsagan ng Salem Witch Trials sa Massachusetts noong 1690s. Damang dama ang katotohanan ng mga pangyayari sa dula, lalo na ang mga pagpaparatang at pamahiing laganap noon. Subalit ginamit lang ni Miller ang pamahii’t kulam bilang buháy na senaryo sa dula, kumbaga. Sinusuri ng akda ang sikolohikal, pulitikal, at panrelihiyong aspeto ng isang kababalaghang kumubkob sa isang lipunan: isang kababalaghang bumalot dito sa takot sa kung anumang hindi mawawa ng tao; sa kawalang-katiyakan ng buhay; at sa paghihinala sa kaibiga’t kamag-anak.
Sa direksyon ni Dennis Marasigan, nabigyang buhay ang pagsasalin ni Jerry Respeto, na siyang tapat sa orihinal—walang malayong paghahalaw dahil saloobin ng tagasalin na mailarawan ang kasalukuyang konteksto gamit ang orihinal na malikhaing pagsalaysay ng may-akda.
Isang makapangyarihang yugto sa dula ang biglaang pagbaligtad ni Mary Warren (Lhorvie Ann Nuevo), kasambahay ng pamilyang Proctor. Sa una’y ipinagtatanggol pa niya ang kanyang amo, ngunit nagbago siya bunsod ng isterismo (hysteria) at pagkukunwari nina Abigail Williams (Antonette Go) at mga kadalagahan ng Salem na animo’y nakakakita sila ng mga espiritu at kinukulam sila ni Mary. Dahil hindi sila mapatigil ni Mary sa pagkukunwari at nadawit na ang kanyang pangalan, nagpasya na lamang din siya na sumama sa kanilang huwad na sindak at gulo. Nagkunwa si Mary na kinukulam sya ng kanyang among si John Proctor (Jan Vincent Ibesate). Nakagigimbal ang tila sinapiang koro ng mga babae habang ginagagad ang bawat pag-iyak at pananalita ni Mary. Hindi ito ang nakaugaliang koro ng mga sinaunang Griyego sa kanilang mga trahedya. Ito ang koro ng kamalayang hindi lubos na maláy.
Kung napanood mo ang pelikula o nabasa ang katha ni Miller, alam mo kung ano ang kinahinatnan ng paglilitis kina John at Elizabeth Proctor (Rhodora Dayao). Alam mong aamin si John sa pangangalunya. Alam mong pagtatakpan siya ng kanyang asawa. Alam mong ikasisira nila ito pareho. Alam mong ikakukulong ito ni John at sa huli’y paaaminin siya sa pangkukulam kahit hindi totoo. Alam mo ang lahat ng ito ngunit sa panibagong pagtatanghal na ito, dama mo pa rin ang ligamgam at pagkabalisa sa kung ano ang mangyayari. Marahil inaantabayanan mo ang paraan ng pagganap ng mga aktor. Marahil inaabangan mo ang katiting man na pagkakamali sa pagganap. Hindi. Hinihintay mo na sana may pagkakaiba, na sana sa halaw na ito ay may pagtubos. Ngunit hindi pa rin. Alam mong iisa lamang ang katapusan.
Ang tanging paraan lamang upang mailigtas ang iyong buhay noon ay ang pag-amin—pag-amin sa isang gawa-gawang kasalanan—at ang pagbabalik-loob sa Diyos—pagbabalik-loob kahit batid mong hindi ka lumihis. Dahil tahimik ang Diyos, sino nga ba ang nagligtas sa iyo? Ang sarili mo o ang lipunang mismong nagparatang, nagbunyag ng “katunayan”, nagpataw ng parusa, at sa katapusa’y nagpawalang-sala sa iyo?
Umigting ang kahusayan ng dula sa mga huling tagpo na nagpakita sa pagkakabuklod at pagpapatawaran sa pagitan ng isang lalaki at babae. Sa wakas, “Ang Pag-uusig” ay hindi lamang kuwentong pulitikal. Isa itong kuwento ng pag-ibig.
Ramdam mo pa rin ang dati nang poot sa “kakitiran ng isip” ng madla, ang dating pakikiramay mo sa hapis at pangingimi sa dangal ng mga Proctor, ang pagkairita mo kay Abigail, ang pakikidalamhati kay Reverend John Hale (Joshua Tayco), ang pagkawalang-interes sa una at awa kapagdaka kay Reverend Parris (Marco Viaña), ang matinding sama ng loob kay Deputy Governor Danforth (Jonathan Tadioan). Mahusay ang pagganap at mabisa ang paggamit ng devised theater. (Nagamit ang maliit na sukat ng teatro upang lalong lapát ang karanasan ng manonood at artista. Matipid (minimalist) ang paggamit ng props: ang kanina’y papag, ngayo’y hapag; ang kanina’y mga bintana, ngayo’y bigtian.)