Kahapon, nagmiminindal kami ni Carlo sa isang magarang restawran nang mapansin ko ang lalaking nakaupo sa kabilang mesa.
“Carlo,” sabi ko sa aking kaibigan, “Masdan mo ang dayuhan sa mesang iyon. Tila nakalimutan niyang maghilamos at magbihis bago lumabas sa kanyang tinitirhan.”
“Oo nga,” ani Carlo. “Kanina ko ba napansin na suot niya ang kanyang damit-panloob bilang panlabas.” Ang dayuhan ay nakasuot ng “sando” na maluwag, maikling pantalon, at tsinelas. Wala namang masama sa pagsuot ng pambahay sa labas ng bahay, nguni’t kung Pilipino ang gumawa nito, marahil ay hindi siya pinapasok sa nasabing restawran.
“Siguro’y kaibigan ng may-ari ang puti kaya’t pinatuloy siya rito kahit siya’y nagmistulang yagit,” sabi ko.
“Nguni’t disente ang may-ari at marahil ang kanyang mga kaibigan ay marunong ng disenteng pananamit,” dagdag ni Carlo, na bukambibig ang salitang “disente”.
Naniniwala kami na bawa’t tao ay may karapatang isuot kung anuman ang kanyang ninanais, nguni’t di dapat bigyan ng mas maraming pribilehiyo ang mga dayuhan dahil lamang sila ay puti at inaakalang mayaman.
Nakakaaliw talaga ang paggamit ng pormal na Tagalog, lalo na kung ito’y ipanlalait sa mga dayuhan na walang modo. (Kung sila ay nakakaintindi sa wikang Pilipino ay mas mabuti nga.) Masyado nating tinitingala ang mga banyaga samantalang minamata natin ang kapwa nating Pilipino. Dapat matuto ang mga bisita na makibagay sa atin dahil narito sila sa ating bansa. Hindi maaaring tayo na lamang palagi ang magbibigay sa kanila.
Naisip ko tuloy: Kung si Colin Farrell kaya yung dayuhan sa restawran ay nagkaroon kami ni Carlo ng ganitong diskusyon? Ngunit ang tanong na ito’y walang katuturan dahil hindi naman siya si Colin Farrell; kung si Colin Farrell siya ay agad-agad kaming nagpakilala, at malamang ay nag-aaway na kami ngayon.
Caffe Florian, Venice. Hindi dito naganap ang kuwento. Marahil kung ang turista ay pumasok dito na naka-pambahay ay minata-mata na siya ng mga tagapagsilbi. Patutuluyin nga siya, nguni’t daragdagan ang singil sa kanya.