Translating the Dickens: Your assignments
“And you know what wittles is?” by F. A. Fraser. c. 1877.
Let’s get started. As of Sunday the Charles Dickens Great Expectations Translation Group has 14 members. (You can still join the Dickens translation project by posting in Comments.)
To give us an idea of how everyone works, let’s do one page each. Please post your Tagalog translation by Saturday the 14th.
(Don’t forget to read all the pages that come before your assignment. Context.)
Chapter I
1. turmukoy – from “My father’s family name being Pirrip” to “…and beginning to cry, was Pip.”
2. kotsengkuba – “Hold your noise!” to “…to keep myself from crying.”
3. Akyat-Bahay Gangster – “Now then, lookee here!” to “at that old Battery over yonder.”
4. goneflyingakite – “You do it, and you never dare to say a word” to “…made the best use of my legs.”
Chapter II
5. girlfriday0104 – (from end of Chapter I) “But presently I looked over my shoulder” to “…whether it was possible she washed herself with a nutmeg-grater instead of soap.”
6. marcku – “She was tall and bony” to “…applied Tickler to its further investigation.”
7. yas – “She concluded by throwing me” to “…his manner always was at squally times.”
8. greeneggsnham – “My sister had a trenchant way of cutting” to “…took a thoughtful bite out of his slice, which he didn’t seem to enjoy.”
9. noelz – “He turned it about in his mouth” to “…it’s a mercy you ain’t Bolted dead.”
10. jaime – “My sister made a dive at me” to “from seven to eight by the Dutch clock.”
11. Grafton Uranus – “I tried it with the load upon my leg” to “From the Hulks.”
12. chigaune – “‘Oh-h!’ said I, looking at Joe” to “…I must rob the pantry.”
Chapter III
13. oberstein – (from end of Chapter II) “There was no doing it in the night” to “twig to twig and blade to blade”.
14. PinoySpag – “On every rail and gate” to “…nodding forward, heavy with sleep.”
“Pip’s Struggle With The Escaped Convict”. Harry Furniss, 1910.
Good luck, translators.
January 9th, 2012 at 09:30
Sali ako!
January 9th, 2012 at 13:40
I’d like to try please.
/in
January 9th, 2012 at 22:08
Ang hirap! Pero heto na ang aking bahagi — Kabanata I-3:
– – – – – – – –
“Teka muna,” sabi ng lalaki sa akin. “Nasaan ang nanay mo?’
“Ayun po!” sabi ko.
Sumugod siya pansumandali, huminto, at lumingon patalikod.
“Ayun po!” nahihiya kong inulit. “ ‘At si Georgiana.’ Siya po ang aking nanay.”
“Ah!” sabi niya habang papalapit muli sa akin. “At yung katabi ng nanay mo, yun ba ang tatay mo?”
“Opo,” sabi ko, “taga-rito rin po siya noong siya’y nabubuhay.”
“Ganoon ba,” nasambit niya habang nag-iisip. “At kanino ka naman nakikitira ngayon, kung madali ka namang pakisamahan, gayong hindi ko pa sigurado kung ganoon nga?”
“Sa kapatid ko po, si Gng. Joe Gargery, asawa po ng isang panday.”
“Panday ba kamo?” sabi niya habang minamasdan ang kanyang binti.
Pasalit-salit niyang tiningnan ako at ang kanyang binti. Pagkatapos ay lumapit siya sa puntod na aking inuupan, binuhat ako na hawak ang dalawa kong braso, at itinuwad hanggang ako’y halos mabitiwan. Tinitigan niya akong nanlilisik ang mga mata, at ako’y nama’y kaawa-awang tumitig din sa kanya.
“Ang lagay ay,” sabi niya, “babayaan ba kitang mabuhay o hindi? Alam mo ba kung ano ang kikil?”
“O-opo.”
“At alam mo ba kung ano ang tsibog?”
“Opo.”
Sa bawat tanong ay unti-unti niya akong itinuwad pa nang bahagya, na lalo ko lang ikinatakot.
“Ikuha mo ako ng isang kikil.” Bahagya pa niya akong itinuwad. “At ikuha mo ako ng tsibog.” At itinuwad pang bahagya. “At dalhin mong pareho sa akin.” Kaunti pang tuwad. “Kundi ay dudukutin ko ang puso at ang atay mo.” Tuwad pa.
Ako’y nangangatal sa takot at lulang-lula na kaya’t mahigpit ko siyang hinawakan ng dalawang kamay. “Parang awa niyo na po, pakitayo niyo na po ako, kasi’y ako po’y maduduwal na, at para mas maintindihan ko po ang sinasabi ninyo.”
Bigla niya akong palublob na inikot, na sa paningin ko ay lumukso ang simbahan sa banoglawin nito. Pagkatapos ay hinawakan niya ako sa aking mga braso at itinayo sa puntod, at nakakatakot na binigkas:
“Bukas nang maagang-maaga ay dadalhin mo sa akin ang kikil at ang tsibog. Dadalhin mong lahat sa akin, doon sa lumang Muog, sa dako roon.”
January 9th, 2012 at 23:44
Bumalong ang dugo mula sa aking ilong habang matiyaga kong isinasalin sa Tagalog ang mga linyang nakatalaga sa akin. Tinatanong ko ang aking sarili kung paano akong pumasa sa mababang paaralan gayong hindi ko mawari kung alin ang tama: pagmamakaaawa o pagmamaka-awa; n’ya/n’yo o nya/nyo sa halip na niya/ninyo.
Sa bandang huli, aking napagtanto na, tulad sa mga sulatin sa mababang paaralan, ang bawat pagkakamali ay itatama ng guro kinabukasan hindi para pagtawanan ng mga kamag-aral kundi upang kapulutan ng aral.
January 10th, 2012 at 16:13
(Hindi ko maisip kung papaano isalin ang mga laman ng paminggalan kayat iniwan ko muna ang ilang mga salita na Ingles. Kung may pinagsang-ayunan na salitang tagalog para sa mincemeat, brandy, Spanish liquorice water at pie, nais kong malaman ito.)
—–
Hindi ito maaaring gawin sa kadiliman ng gabi dahil walang ilaw na madaliang masisindi; ang makakamit lang na ilaw ay sa pamamagitan ng mga maingay na paraang tila ingay ng piratang kumakalog ng kanyang kadena.
Pagsilip ng liwanag sa kadiliman ng gabi, gumising ako at bumaba; bawat hagpang paroon at bawat lamat sa hagdanan ay tumatawag sa akin, “Hoy, magnanakaw!” at “Gising, Gng. Joe!” Sa paminggalan, na di karaniwang punung-puno dahil sa panahon, ako ay nagulat ng isang kunehong nakabitin sa kanyang paa na akala ko ay kumindat sa akin habang ako ay nakatalikod. Wala akong oras para makatiyak, walang oras para pumili, walang oras sa kahit ano, nawawalan na ako ng oras. Nangupit ako ng kaunting tinapay, kaunting gilid ng keso, mga kalahating garapon ng mincemeat (na itinali ko sa aking panyo kasama ng kagabing hiwa ng tinapay), kaunting brandy mula sa boteng bato (na aking isinalin sa isang boteng gawa sa basong ginagamit ko para sa sekretong pag-gawa ng ganoong pampalasing, tubig ng Espanyol liquorice, sa aking kwarto: nilalabnaw ang boteng bato mula sa lalagyan sa paminggalan ng kusina), buto na may kakaunting laman, at isang maganda at maliit na bibiluging pie ng baboy. Aalis na sana ako na wala ang pie, ngunit naudyok ako na umapak sa isang istante para makita kung ano ang pinag-ingatang itago sa isang babasaging plato sa sulok, nakita ko ang pie, kinuha ko sa pag-asang ito ay hindi balak gamitin agad, at hindi mabilisang mapapansin ang kanyang kawawalan.
May pintuan sa kusina na patungo sa pandayan; binuksan ko at kinalagan ang pintuan, at kumuha ng kikil mula sa mga kagamitan ni Joe. Matapos ay ibinalik ko ang mga kandado sa dati nilang kalagayan nang mahanap ko sila, binuksan ang pintuang pinagpasukan ko nang tumakbo ako pauwi kagabi, isinara ito, at tumakbo papunta sa maambon na pantano.
Chapter III
Nagyelo ang hamog nang umagang iyon at mahalumigmig. Nakita ko ang kabasaan sa labas ng aking maliit na bintana, tila may halimaw na umiyak doon buong gabi at ginamit ang bintana bilang panyo. Ngayon, nakita ko ang hamog sa mga bakod at damo, parang magaspang na bahay-gagamba; nakasabit mula sa mga sanga-sanga at sa damuhan.
January 10th, 2012 at 20:48
Paumanhin sa alder at pollard :)
—
“Wag kang sisigaw!” bulalas ng isang boses, habang papalapit ang isang lalake mula sa mga nitso sa gilid ng simbahan. “Wag kang gagalaw, demonyong bata ka, kung ayaw mong gilitan kita!”
Isang nakakatakot na lalake, abuhin ang buong kasuotan, na may isang malaking bakal na gumagapos sa isang paa. Isang lalaking walang sombrero, suot ang sirang pares ng sapatos, at tinatalian ng lumang bahasan ang ulo.
Isang lalaking babad sa tubig, balot ng putik, at iika-ika dahil sa mga batong natapakan, mga sugat dulot ng mga pingkiang bato, tusok ng lingatong at ilang matitinik na halaman; nagngangalit ang kanyang mga ngipin nang saklutin nya ako sa aking baba.
“‘Wag nyo po akong gilitan ng leeg,” pagmamakaawa ko. “Wag n’yo po gawin sa akin ‘yan.”
“Sabihin mo sa amin ang pangalan mo!” wika ng lalaki. “Bilisan mo!”
“Pip, ho.”
“Ulitin mo,” aniya, habang nakatiting sa akin. “Lakasan mo!”
“Pip. Pip, ho.”
“Saan ka nakatira,” tanong ng lalaki. “Ituro mo kung saan!”
Itinuro ko kung nasaan ang aming barrio, sa isang lapat na daan na naliligiran ng mga punong alder at pollard, isang milya mula sa simbahan.
Saglit nya muli akong tiningnan bago binuhat ng pabaligtad at itinaktak upang mahulog ang mga laman ng aking mga bulsa. Walang laman ang mga ito maliban sa isang piraso ng tinapay. Nang muling bumaligtad ang simbahan, — dahil sa sobrang bilis nya ay nakuha nyang ilipat ang aking paanan sa aking ulo, at natanaw ko ang tutok ng simbahan sa aking paanan, — nang muling bumaligtad ang simbahan, sabi ko, nakaupo na ‘ko sa sa isang mataas puntod, nanginginig habang hayok nyang kinain ang tinapay.
“Ikaw na tuta ka,” sabi nya, habang dinililaan ang kanyang mga labi, “namimintog ang mga pisngi mo.”
Batid ko ang katabaan ng mga ito, subalit maliit ako ng mga panahong iyon para sa aking edad, at hindi kalakasan.
“Tingnan ko lang kung hindi ko kainin ang mga ‘yan,” aniya habang iiling-iling nang nakakatakot, “kung hindi ako mangingimi.”
Buong loob akong nagmakaawa ko na sana’y huwag n’yang gawin iyon, hinigpitan ko ang aking pagkakahawak sa nitsong pinaglagyan n’ya sa akin; para hindi ako malaglag; at para narin pigilan ang sarili ko sa pag-iyak.
January 10th, 2012 at 21:41
Ang aking pagsasalin ng bahagi ng nobelang Greyt Ekspekteysyons na sa akin ay natalaga.
– – –
Gawin mo ito, at huwag mong tangkain o ipahiwatig na nakakita ka ng nilalang na tulad ko, o kahit sino pa mang tao, at ikaw ay mapapakawalan para mabuhay pa. Ika’y mabigo, sumambit ng mga bagay na patungkol sa akin, gaano man kaliit ito, at ang iyong puso at atay ay mababaltak, malilitson at makakain. Ngayon, hindi ako nag-iisa, tulad nang inaakala mo. Mayroong binata na nagtatago sa aking katauhan, at kumpara sa kanya ako ay isang Anghel. Ang binata na ito ay naririnig ang mga salita na aking sinasabi. Ang binata na ito ay may mga paraan na siya lamang ang nakakaalam, sa paghuli sa batang lalaki, at sa puso at atay nito. Walang saysay para sa isang batang lalaki na subuking ikubli ang sarili niya sa kanya. Ikandado man ng batang lalaki ang kanyang pinto, mapalagay ang loob sa kama, magtago sa ilalim ng kumot, isipin na siya ay maginhawa at ligtas, pero ang binata na ito ay tahimik na gagapang patungo sa kanya at pupunitin siya nang pabukas. Pinipigilan ko, na may kaakibat na kahirapan, na makapinsala sa iyo ang binata sa ngayon. Naaabala ako na pigilin siya at iyong lamang-loob na mapang-abot. Ngayon, anong masasabi mo?
Sinabi ko sa kanya na ikukuha ko siya ng lagari, at piraso ng makakain kung kakayanin ko, na pupunta ako sa kanya sa Battery, sa unang sulyap ng umaga.
“Kidlatin ka sana ng kamatayan ng Maylikha kapag hindi mo ito matupad!” sabi ng manong.
Ako’y sumang-ayon, at ako’y kanya nang ibinaba.
“Ngayon,” pinagpatuloy niya, “tandaan mo ang pinagdaan mo, at alalahanin mo iyong binata, at umuwi ka na!”
“Ma-magandang gabi, ginoo,” nautal kong sinabi.
“Tama na ‘yan!” sabi niya, habang tumitingin sa malamig na putik sa paligid niya. “Sana ako’y palaka na lamang! O kaya’y igat!”
Kasabay nito ay ang pag-akap ng dalawang braso niya sa nangangatog niyang katawan–niyayapos ang sarili, mistulang sinasalo ang sarili–at iika-ikang tumungo sa mababang dingding ng simbahan. Habang pinapanood ko siyang lumayo, nginangahas ang mga matitinik na halaman na nagdadaan sa luntiang bunton, siya ay tumingin sa mga inosente kong mata na tila siya ay tumatakas sa kamay ng mga sumakabilang-buhay, na tuloy-tuloy at maingat na lumalabas sa lupa na kanilang pinaglibingan, para mahugot ang kanyang bukung-bukong at hilain siya pababa at isama sa kanila.
Nang marating na niya ang mababang dingding ng simbahan, ito’y tinalon niya, tulad ng isang ginoo na may manhid at matigas na mga binti, at siya’y tumingin patalikod para hanapin ako. Noong makita ko siyang lumingon, iniharap ko ang aking mukha sa direksyon ng aming bahay, at inabuso ang pakinabang ng aking mga binti.
January 11th, 2012 at 14:44
Pagdating sa pamamahagi ng tinapay con mantekilya, walang kakupas kupas yung mahusay na pamamaraan ng ate ko . Una, gamit ang kaliwang kamay ay ilalapat niya ang tinapay sa kanyang sapin sa dibdib – minsa’y may sumasamang karayom o di kaya’y perdible na siya namang naliligaw sa mga bunganga namin. Gamit ang kutsilyo ay kukuha siya ng (kaunting) mantikilya at ipapahid sa tinapay, mistulang albularyo, o di kaya’y mason na nagpapalitada at panampal niyang gagamitin ang magkabilang gilid ng kutsilyo nang buong husay ng kamay, pagkatapos ay tatapyasin at huhulmahin niya ang mantikilyang nasa ibabaw ng tinapay. Bibigyan niya ng panghuli at mabilis na hampas ang dulo ng palitada at hihiwa ng isang makapal na pirasong hahatiin niya sa dalawa; ang isa ay kay Joe at ang isa ay sa akin.
Bagama’t ako’y gutom sa kasalukuyan ay hindi ako nangahas na kainin ang aking tinapay. Nadama kong dapat ay itira ko ito para sa aking kakila-kilabot na kakila at ang mas kakila-kilabot niyang kasamang binatilyo. Alam kong masinop sa paglilinis ng bahay si Gng. Joe, kaya’t kahit hangarin ko’y wala akong ibang malilimas. Napagtanto kong itago ang kapiraso kong tinapay con mantekilya sa may laylayan ng aking pantalon.
Para makamit ang aking nakakapanlumong adhikain ay kailangang maipamalas kong pinaghirapan kong mapagtanto ang aking napagtanto, na waring pinag-isipan kong tumalon mula sa tuktok ng mataas na bahay o sumisid sa napakalalim na katubigan. At mas lalong nahirapan pa ako dahil walang kamalay-malay si Joe. Bilang kaakibat sa pagdurusa at patunay ng aming mabuting pagsasama ay nakaugalian na naming gabi-gabing paghambingin ang mga kagat namin sa aming mga tinapay. Ang kagawiang ito ay nag-uudyok sa ‘min na pag-ibayuhin pa itong kaugaliang to. Nitong gabi lang, ilang beses na akong niyaya ni Joe na damayan siya sa aming kalokohang paligsahan sa pamamagitan ng pagpapamalas ng lumiliit niyang hiwa ng tinapay ; tanging nasisilayan niya lamang sa tuwina ay ang dilaw na tasa ko ng tsaang nakapatong sa isa kong tuhod, habang sa kabila ay nakapatong ang aking tinapay. Sa wakas, lubhang isinaloob ko ang hangaring kanina ko pang pinagmumuni-munihan, at narapat kong gawin ito sa pinaka kapani-paniwalang pamamaraang angkop sa aming sitwasyon. Sinamantala kong kakatingin lang sa akin ni Joe upang ilagay ang tinapay ko sa laylayan ng aking pantalon.
Tila ay nailang si Joe at wari’y wala akong ganang kumain, kaya’t maingat ang sumunod niyang pagkagat sa kanyang tinapay na mukhang hindi rin niya ikinatuwa.
January 11th, 2012 at 20:59
Translation of ‘Great Expectations’, Chapter 2: Starting from “‘Oh-h!’ said I, looking at Joe” to “…I must rob the pantry.”
——————————————
“Ah-h!”, sambit ko, sabay tingin kay Joe. “’Hulk!’”
Umubo si Joe nang patuya, upang tukuying “Sinabi ko na nga sa iyo.”
“At ano po ang mga ‘Hulk’?” ang sabi ko.
“Ganire talaga ang siste sa batang ito!” bulalas ng ate ko, habang itinuturo ako gamit ang kanyang karayom at sinulid, at umiiling sa akin. “Sagutin mo ang isang tanong nya, at agad-agad kang tatanungin ng isang dosena. Ang mga ‘Hulk’ ay mga bapor na pam-preso, andun pagtawid ng kasukal.” Sa aming bayan, ginagamit namin ang salitang iyon para sa kasukalan*.
“Isip ko, sinu-sino kaya ang inilalagay sa bapor pam-preso, at bakit sila nilalagay dun?” sinabi ko nang payak, habang may tagong pagkabalisa.
Sobra na iyon para kay Gng. Joe, na dagliang tumayo. “Sinasabi ko sa iyo, bata ka,” ang sabi niya, “’Di kita pinalaki sa kamay para yamutin ang buhay ng mga tao. Kung ganun nga, pula at hindi papuri yun para sa ‘kin. Nilalagay ang mga tao sa mga ‘Hulk’ dahil sila’y pumapatay, at dahil sila’y nagnanakaw, at namemeke, at gumagawa ng lahat ng uring masama; at palaging nagsisimula sila sa pagtatanong. Hala, matulog ka na!”
Kailanma’y ‘di ako pinayagang magdala ng kandila na mag-iilaw sa akin patungo sa higaan, at, habang umaakyat ako sa gitna ng dilim, at kumikibot ang aking ulo,—mula sa pagkaka-alog dito ng didal ni Gng. Joe na parang pandereta, kasabay ng kanyang mga huling pananalita,—nakadama ako ng lubhang pagkatanto sa malaking kaukulan na ariyang naghihintay ang mga ‘hulk’ para sa akin. Malinaw na ako’y patutungo doon. Nagsimula ako sa pagtatanong, at nanakawan ko na si Gng. Joe.
Mula nang oras na iyon, na matagal na ngang na ring nakalipas sa ngayon, madalas kong inisip na kaunting tao lang ang nakakaalam kung gaano ang paglilihim na nasa kabataang nasa ilalim ng pagkasindak. Gaano man ka-walang saysay ang pagkatakot, kung kaya’t ito’y pagkasindak. Noo’y nasa ilalim ako ng mortal na pagkatako sa batang mama, na naghahangad sa aking puso’t atay; nasa mortal na pagkatakot ako sa aking katagpo na may bakal na paa; nasa mortal na pagkatakot ako sa aking sarili, kung kanino’y nahugot ang isang nakasusuklam na pangako; wala na ako noong pag-asa na masasalba sa pagagamitan ng aking makapangyarihan sa lahat na ate, na nagtatanggi sa akin sa bawat pihit; nangangamba akong isipin kung ano ang maaari kong nagawa sa pangangailangan, sa ilalim ng paglilihim dulot ng aking takot.
Kung natulog man ako nang gabing iyon, iyon ay upang bulayin lamang na ako’y naaanod sa ilog, sa isang malakas na alon ng tagsibol, papunta sa mga Hulk; isang mala-multong pirata ang tumatawag sa akin gamit ang isang megapono, habang nadaraanan ko ang pook na bitayan, at nagsasabing makabubuting pumunta na ako sa pampang at nang mabitay doon kaagad, at wag na iyong ipagpaliban. Nangangamba akong matulog, bagaman nakahilig na ako, dahil alam kong sa unang pagsilip ng araw sa umaga, kinakailangan kong nakawan ang paminggalan.
*English marsh
——————————————
Oberstein:
mincemeat – pikadilyo
brandy – Agwardyente
etc.
(I use http://tl.w3dictionary.org/)
January 11th, 2012 at 22:23
Ikatlong Kabanata (pagpapatuloy)
Basang-basa sa hamog ang bawat bakuran at daluyan. Sa kapal ng hamog di ko halos nakita ang daliring kahoy na nakalagay sa posteng nagbibigay direksyon sa mga nilalang na gustong tunguhin ang aming nayon — direksyong hindi naman nila pinapansin dahil hindi naman sila pumupunta doon — hanggang malapit na ako sa ilalim nito. Nang tiningala ko ito, habang patuloy itong tumutulo, tila baga ayon sa aking abang konsensiya ay isa itong guni-guning nag-aalay sa akin sa bapor na naglalaman ng mga preso (Hulks).
Lalo pang kumapal ang hamog nang marating ko ang bakawan, na sa halip na takbuhan ko ang lahat ng aking madaanan ay tila baga ang mga ito ang tumatakbo patungo sa akin. Hindi ito kaaya-aya sa isang may salang pag-iisip. Ang mga daluyan at pilapil at pampang ay sumambulat sa akin sa hamog, na para bang humihiyaw ng, “Isang paslit na pumitik ng pork pie ng ibang tao! Pigilan siya!” Biglang tumambad sa akin ang mga baka, ang mga mata nila’y nakatitig sa akin at tila bumubulwak sa kanilang mga ilong, “Hoy! Magnanakaw na paslit!”. Isang maitim na kalabaw (ox?), na may suot na puting balabal — na sa kanyang tindig ay tila isang alagad ng simbahan — ay tumitig sa akin ng taimtim, at inilahad ang kanyang ulo na tila ako’y inaakusahan habang ako’y pumapaikot, at ako’y napabulalas na lamang ng, “Hindi ko na po matiis, ginoo! Hindi naman po para sa akin ang kinuha ko!” Sa gayon ibinaba niya ang kanyang ulo, suminghal ng usok mula sa kanyang ilong at naglahong sumisipa-sipa ang hulihang-binti at pumapagaspas ang buntot.
Habang ang lahat ng ito’y nangyayari, sumasapit na ako sa ilog. Subali’t gaano mang kabilis na ako’y tumahak, tila di nag-iinit ang aking mga paa, at ang lamig na dulot ng hamog ay kumakapit sa akin tulad ng bakal na nakakabit sa binti ng mamang aking kakatagpuin. Kabisado ko ang daan patungo sa Muog, diretso lang, dahil nanggaling na kami doon isang Linggo ni Joe at si Joe, habang nakaupo sa isang lumang baril, ay binanggit sa akin na kung ako’y tutulong sa kanya sa pagpapanday, madalas kaming mapapadpad doon. Kaya lang nalito ako sa kapal ng hamog na di ko namalayan na napalayo na pala ako sa dapat kong puntahan, kaya sinubukan kong tahaking muli pabalik ang daan sa tabing-ilog, sa pampang kung saan nagkalat ang mga bato sa putikan at sa mga tarak na humaharang sa alon ng tubig. Habang tinatahak ko ito ng buong giting, tinawid ko ang isang bambang na alam kong malapit na sa Muog, at inakyat ko ang munting burol pagkalagpas ng bambang, nang makita ko ang nakaupong mama. Nakatalikod siya sa akin, tiklop ang mga bisig at tumutungo-tungo at mahimbing na natutulog.
January 12th, 2012 at 16:31
Chigaune: Thanks for the vocab suggestions and the alternate dictionary link! I’ll try those.
January 13th, 2012 at 06:56
“She was tall and bony” to “…applied Tickler to its further investigation.”
***
Ang Ate ay matangkad at balingkinitan, at palaging suot ang kanyang gusgusing eprong nakatali sa kanyang likod nang dalawang buhol, at may parisukat na babero sa harap na kinatutusukan naman ng mga aspili at mga karayom. Ginawa niya itong isang makapangyarihang katangian sa kanyang sarili—isang kasiraan laban kay Joe—kaya palagi niya itong suot. Bagama’t wala akong mahagilap na malinaw na paliwanag kung bakit kailangan niya itong isuot; o kung bakit, kung isinusuot man niya ito’y kinakailangang hindi niya ito hubarin sa tanang buhay niya.
Ang pandayan ni Joe ay kadikit lamang ng aming bahay, isang bahay na gawa sa kahoy na katulad ng ibang mga bahay ng mga sa aming kanayunan ng mga panahong yaon. Nang ako’y tumakbo palayo galing sa libingan, namataan kong sarado ang pandayan niya, at nakita kong nakaupo mag-isa si Joe sa kusina. Palibhasa’y kaming dalawa ni Joe ang magkasanggang-api, at magkapalagayang-loob ukol dito, pagkabukas ko ng pinto at makitang siya nga ang nasa likod at nakaupo sa sulok malapit sa tsimeneya’y may sinabi siya sa akin.
“Kanina ka pa hinahagilap ni Gng. Joe, Pip. Kanina pa siya labas-masok ng bahay kakahanap sa iyo.”
“Siya nga?”
“Oo, Pip,” ani Joe; “at ang masama pa nito’y daladala niya si Hataw.”
Pinaikot-ikot ko na lamang ang tanging butones sa aking baro, nakatunghay nang malalim sa apoy sa may tsimeneya nang aking limiin ang kaalamang aking nabatid. Si Hataw ang pamalo na ginagamit sa akin ng Ate ko na gawa sa isang matigas na bastong pinanday at kininis na sa aking murang katawan.
“Umupo na siya kanina,” turan ni Joe, “ngunit siya’y tumayo muli at kinuha si Hataw, at siya’y lumabas muli—nagwawala. Iyon ang ginawa niya,” pagpapatuloy ni Joe habang tulala at unti-unting tinutulos pabalik sa siga ang mga piraso ng baga na pumapailanlang palayo mula rito; “Nagwawala siyang lumabas, Pip.”
“Matagal na ba siyang nasa labas, Joe?” Malimit na kung ituring ko siya’y mistulang mas malaking uri lamang ng bata at parang hindi mas matanda sa akin.
“Ano…” sabi ni Joe, bahagyang sinulyapan ang aming lumang orasan, “kanina pa siyang lumayas… nagwawala… mga limang minuto na siguro ang nakakaraan, Pip. Ngunit—lagot! Nandiyan na siya! Dali! Magtago ka na sa likod ng pintuan at isaklob mo ang makapal na basahan sa iyo!”
At walang patumangga at pag-aatubili akong sumunod. Pinilit na isinalya ng Ate ang pintuan, at nang malaman niya kung sino ang nakaharang dito’y isinakatuparan na niya ang kanyang nagngangalit na hatol at pinabayaan si Hataw na isagawa ang sintensyang naaayon sa akin.
January 13th, 2012 at 17:07
from “My father’s family name being Pirrip” to “…and beginning to cry, was Pip.” [took small liberties on some passages. too clunky and unreadable if we followed Dickens’s cadence strictly].
pinagpawisan ako literali habang nagsasalin sa Filipino, pero aliw naman, lalo na ang ang pagbabasa ng salin ng iba. padayon.
***
Apelyido ng tatay ko Pirrip, at bininyagan akong Philip. Nung bata, kapag pinagsama ang dalawa, hanggang Pip lang ang kayang maarok ng dila ko, kaya tinawag ko ang sarili kong Pip, at tinawag na rin akong Pip ng iba.
Kinilala kong Pirrip ang apelyido namin, dahil iyon ang nakasulat sa lapida ng tatay ko, at iyon ang sabi ng ate ko—si Mrs Joe Gargery, na nakapangasawa ng panday. At palibhasa hindi ko nasilayan si nanay o tatay, ni nakakita ng anumang alaala nila (wala pang picture-picture noon), kung anu man ang iniimadyin kong sila ay walang rasong hinango ko lang sa mga lapida nila. Yaong korte ng mga letra ng sa tatay ko—nagbigay sakin ng ideya na mataba siya, kuwadraduhin ang mukha, kayumanggi ang balat, at kulot at itim ang buhok. Mula sa bilot at karakter ng nakalilok na “At Si Georgina, Asawa ni Philip,” nagkaroon ako ng konklusyong musmos na ang nanay ko ay puros pekas at parating sakitin. At galing sa limang maliliit na batong singhahaba ng isang talampakan at kalahati, na masinop na nakahilera sa gilid ng nitso, itong mga sagradong ala-ala ng limang kapatid ko—silang mga sumuko nang maaga sa pakikibaka ng buhay—utang na loob ko ang lubos na paniniwala na pinanganak lahat silang nakatihaya, nakapamulsa, at di na nakatinag sa ganitong kalagayan.
Latian ang sa amin, sa may papuntang ilog, nasa beinte milya ang layo sa dagat magmula sa pag-alagwa paikot ng ilog, Ang unang pinakamatingkad at pinakamalawak na alaala ko sa mga bagay-bagay ay resulta ng mga di malilimutang kinahapunan hanggang pa-gabi. Isang beses nang mga ganoong oras, natiyak ko na itong isang mapanglaw at ma-lipang lugar, ay ang likod-simbahan; at dito si Philip Pirrip, pumanaw na parokyano, at si Georgina, asawa ng nabanggit, ay nakalibing; at si Alexander, Bartholomew, Abraham, Tobias, at Roger, mga sanggol ng mga nabanggit, ay dito rin namatay at nailibing; at ang madilim at patag na gubat pagkalampas ng likod-simbahan, na nasasangan-daanan ng mga dike, punso, at mga bakurang may mga nagkalat na bakang naginginain, ay ang latian; at pagkalampas, sa pababang lupain, ay ang ilog; at sa ibayo pa, sa mabagsik na pugad kung saan ang hangin ay dumadaluyong, ay ang dagat, At ang maliit na bigkis ng pangangatal, na lumalaking takot sa lahat ng ito at nagsisimulang umiyak, ay si Pip.
January 14th, 2012 at 12:58
“My sister made a dive at me” to “from seven to eight by the Dutch clock.”
————————–
Sinunggaban ako ng ate ko, at hinila ako sa buhok, at binigkas ang mga nakapanghihilakbot na salitang, “Halika rito nang mabigyan ng gamot.”
May kung sinong masamang tao ang nagbalik sa tubig-alkatran bilang isang mainam na gamot, at si Gng. Joe ay palagiang mayroon niyon sa kanyang platera; naniniwala siyang ang pagkabisa niyon ay katumbas ng sama ng lasa nito. Kapag pinapalad, sobrang dami ang naibibigay bilang mahusay na gamot sa akin, hanggang sa nahihiya na ako dahil nangangamoy bagong-gawang bakod ako. Noong gabing iyon, para sa aking ginawa, isang pinta ang kinailangan, na ibinuhos sa aking lalamunan, para sa aking kaginhawaan, habang iniipit ni Gng. Joe sa kanyang kilikili ang ulo ko, na parang botang iniipit ng gato. Kalahating pinta lamang ang nakuha ni Joe; ngunit ipinalunok sa kanya iyon (na nagpabalisa sa kanya, habang nakaupo siya at dahan-dahang ngumunguya at nagmumuni sa harap ng apoy ng tsimenea), “dahil tapos na siya.” Mukha nga talagang tapos na siya, kung hindi pa man siya nawawakasan.
Ang konsensiya ay nakababagabag kapag ito ay nagparatang, sa bata man o sa matanda, ngunit sa kaso ng isang totoy, kapag ang lihim na kalbaryong iyon ay sumasabay sa isa pang lihim sa loob ng isang binti ng kayang pantalon, isa itong mabigat na parusa (gaya ng napatunayan ko). Ang kaalamang pagnanakawan ko si Gng. Joe—hindi ko kailanman naisip na nanakawan ko si Joe, dahil hindi kailanman sumagi sa isipan kong ang mga gamit sa bahay ay kanya—kasabay ng pangangailangang hawakan ang aking tinapay na may mantikilya habang nakaupo, o kapag inuutusan ako sa kusina, ay muntik nang magpabuang sa akin. Dagdag pa riyan, habang lalong pinagbabaga at pinaliliyab ng hangin mula sa latian ang apoy, ay tila may narinig akong tinig mula sa labas, ang tinig ng mamang may bakal sa binti na tinakot ako upang ilihim ang nangyari sa libingan, na nagsabing hindi siya maari at hindi siya makapapayag na magutom hanggang bukas, at kailangan nang pakainin ngayon. Minsan rin ay naiisip ko, paano kung ang binatang pinilit na huwag dungisan ang kanyang kamay sa akin ay madaig ng kanyang pagkainip, o magkamali sa pagtantsa sa oras, at isiping singilin ang aking atay at puso ngayong gabi imbes na bukas! Kung mayroon mang taong kinilabutan sa labis na takot, ako na siguro iyon. Pero baka naman wala pang taong ganoon?
Bisperas ng Pasko noon, at kailangan kong haluin ang budin* para sa susunod na araw gamit ang patpat na tanso, mula alas-siyete hanggang alas-otso sa orasang Olandes.
—————————————
Hindi ko alam kung pareho lang ang recipe sa pudding at budin, pero iyan na raw ang pinakamalapit na salin.
January 17th, 2012 at 03:36
Kabanata 1 (cont.)
Lumingon ako sa kanya at nakita kong ipinagpatuloy nya muli ito, ngayon naman patungong ilog, niyayakap pa rin ang sarili ng kanyang mga braso at nagpatuloy sa paglalakad ng kanyang namamagang mga paa sa mga naglalakihang bato na nahulog sa mga burak dito at doon, sa mga daanang laging dinidiligan ng malakas na ulan, o kung saan tumataas ang tubig.
Animo’y isang mahabang itim na guhit ang burak nung ako’y tumigil nang hanapin siya; at ang ilog ay isang mahabang itim na guhit lamang, hindi malawak o masyadong maitim; at ang langit noo’y isang pulong ng mga pulang mahahabang mga guhit at malabo-labong itim na guhit na pinagsama. Nawawari ko sa dulo ng ilog ang dalawang anino’y na dapat ay nakatayong pahaba; ang isa nito ay ang tandang-ilaw na kung saang ginuguyang-toro ng mga magdadagat- parang isang bilog na lalagyanan na nakapatong sa isang makipot na haligi – isang pangit na bagay pag nilapitan mo; ang isa ay bibitayan na may kadenang nakasampay na dati ay may nakalawit na isang pirata. Dito patuloy na lumalapit na paika-ikang lalaki, na parang siya yung piratang nabuhay, at bumaba, at muling babalik para magpabigti muli. Kinalibutan ako nung naisip ko ito, at habang nakikita kong tinataas ng mga baka ang kanilang mga ulo para tignan ang lalaki, napaisip ako kung iniisip din nila ito. Naghanap ako sa paligid kung naroon pa ang masamang ginoo, at natiyak ko noon na wala na siya. Pero noo’y natakot uli ako, at kumaripas ng takbo pauwi na walang tigil.
Kabanata 2
Ang kapatid kong babae, si Ginang Joe Gargery, ay mas matanda ng mahigit sa dalawampung taon kaysa sa akin, at nakapagtaguyod ng reputasyon sa kanyang sarili at sa mga kapitbahay dahil sa pagpalaki nya sa akin sa “kanyang kamay”. Noong una ay kailangan kong malaman ang ibig sabihin nun, at sa pagkakaalam ko na matapang at mabigat ang kanyang kamay, at madalas niyang ipamalas ito sa kanyang asawa at pati na rin sa akin, napagtanto ko na si Joe Gargery at ako ay naitaguyod nya sa kanyang kamay.
Hindi naman siya maganda, yung kapatid ko; at ang katangi-tanging tingin ko na ipinangkaisang dibdib niya si Joe Gargery sa kanya sa kanyang kamay. Si Joe ay masasabing katamtaman na ginoo, na may kulot na maputlang mais na buhok sa bawat pisngi ng kanyang makinis na mukha, at mga mata na hindi mawaring asul na parang naghalo sa mga puti. Isa siyang maamong, disenteng, malambing, madaling pakisamahan, kawili-wiling ginoo – parang si Hercules sa kanyang tapang, at gayundin sa kanyang kahinaan.
Ang kapatid ko, si Gng. Joe, na may itim na buhok at mga mata, ay namumukod-tangi ang pula sa kanyang balat na minsan ako’y nagtataka kung gumagamit siya ng pangkudkod ng anis kaysa sabon.