Benedict Cumberbatch at Martin Freeman bilang Sherlock Holmes at John Watson sa seryeng pantelebisyon ng BBC.
Rebyu ng House of Silk ni Anthony Horowitz
Sinulat ni turmukoy
Utang ko kay Dr. Watson, Conan Doyle, at Sherlock Holmes ang hilig sa pagbabasa. Una kong dinampot ang libro dahil sa rekomendasyon ng aking Practical Arts teacher. Kailangan daw lohikal mag-isip, at kung magbabasa na rin lamang, Sherlock Holmes na ang basahin; ‘wag na ang mga walang kwentang Mills and Boon na bitbit noon ng mga kaklase ko. Exciting pa ang Sherlock, sabi ni titser.
Totoo naman. Nang una kong nabasa ang A Study in Scarlet, yun na, kinailangan ko nang magsubi ng sampumpiso araw-araw upang mabili ang dalawang volume ng Complete Sherlock Holmes (nakita ko nuong nakaraang Sabado na pareho pa rin ang pabalat ng dalawang libro—yaon pa ring black & white na picture ng karwahe).
Laking surpresa ko nang makita ko ang librong ito na may imprimatur ng estate ni Conan Doyle. Una kong naisip (bilang alipin ng korporasyon) kung magkano kaya ang royalty na hiningi ng pamilya ni Conan Doyle. Pero ganunpaman, matapang pa rin ang kahit sinong awtor na magtutuloy ng serye, kaya dapat subukang basahin.
Sinimulan ang libro sa pamamagitan ng isang preface ni Watson. Kunwari’y isa itong lumang manuscript na ibinilin niyang hindi dapat buksan nang makailang ilang daang taon pagkatapos nilang pumanaw. Anya, sensitibo ang laman ng kwento, at posibleng makapagpaguho ng mga ginagalang na institusyon.
Robert Downey Jr bilang Sherlock Holmes at Jude Law bilang John Watson sa pelikula ni Guy Ritchie.
Ang kaso ay nagsimula sa isang takot na negosyante na nasangkot sa isang krimen sa Amerika. Bahag ang buntot ng nagpapatulong kay Holmes, dahil may tumitiktik sa kanya. Pagkatapos, bumuhol na ito sa isang posibleng expert assassin, mga batang palasig, bahay-ampunan, patayan, korupsyon, pagkakakulong kay Holmes, away-asawa-at-biyenan, prostitusyon, opium, karnabal, at ilang conspiracies. Loaded at kung saan-saan napunta talaga.
Nasa libro rin sina Lestrade, Mycroft, at Baker Street Irregulars (Mga Batang Langaw)—na sinubukang pumukaw ng drama—pero, sa huli, andyan man silang lahat, artipisyal lang ang naging dating. Ilang mga pinagtagning problema na nagsayang ng ilang pahina dahil hindi iyon nakaangkla sa pinakampuno ng dalawang kaso. Kaburyon din ang halos buong gitna ng libro, sinubukan pa kasing maglahad nang mahahabang paglalarawan ng setting. Hindi na rin siguro dapat ipinilit isiksik pa si Moriarty dahil wala rin siyang partisipasyon sa krimen. Nandoon ang mga dictum tulad ng “When you have eliminated the impossible, whatever remains, however improbable, must be the truth,” pero parang out of context pa ang pagkakasingit.
Pagkatapos magbasa ng isang istorya ni Watson, wari’y napakaismarte mo na at kababasa lang ng teksbuk ng investigative science. Susubukan mo pang mag-obserba ng mga tao at tukuyin ang trabaho nya. At i-deduce, ika nga, ang mga problema sa motibasyon ng mga sangkot sa isyu. Hindi gaano nakaka-engganyong ganito ang House of Silk. Hindi singhusay ang pagkakalatag ng deduction sa dulo ng istorya, na para lang “tara na, tapusin na natin ito.” Bagama’t ang pagtatapos ay may konting aksyon, inimadyin lang siguro ng awtor na may tsansa ang librong isapelikula kaya dapat may ganire.
Sana pinaikli nang sing-ikli ng normal na kwentong Holmes. Pati ang pagkakasama ng isang kontemporaryong problema ay mukhang di na kailangan. Mas maigi sana kung isang simpleng murder na lang? Wala na rin dapat ang drama-drama sa isang napatay na kakampi (sa ngalan ng imbestigasyon), dahil di rin naman naiayos ang empathy ni Holmes sa isang namatay.
Basil Rathbone bilang Sherlock Holmes at Nigel Bruce bilang John Watson sa 14 pelikula na ginawa noong 1930s at 40s.
Ang maganda sa libro marahil ay ang paggaya sa estilong luma ni Conan Doyle. Natatandaan ko nang sinubukan kong gamitin ang “superficial, commonplace, trivial,” noon sa isang book report, aba pinatawag ako ng English teacher, sa suspetsa na kinopya ko ang buong book report sa isang compilation ng mga book report (yaong sikat noon na sinulat ng mag-asawa). Bagama’t di pa perpekto, pwede na rin ang attempt ni Horowitz sa aspetong ito.
Nasa House of Silk din ang man-love. Meron pang dayalog na: “I take it you will join me? Of course, Holmes. I would like nothing better.” Hehe.
Naalala ko tuloy na mahusay na sequel ni Guy Ritchie. Kapag tuturuan ko na ang anak ko sa panonood ng pelikula, itururo ko ang mukha ni Jude Law nuong nalaglag sa falls si Rober Downey (bilang Sherlock): pagkagitla, denial, kalmang pagkatuliro, pagkaiyak. Mga limang segundo ang eksena, pero oks na yon, pwede nang ituro at sabihin—“Yan, anak ang akting.”
Kung nanaisin pa uling gumawa nang isa pang libro sa serye, sana’y ibigay ang timon kay Michael Chabon. Mahusay magsulat ng genre fiction ang awtor na ito. O kaya magbasa na lang ng John LeCarre (Our Game, Smiley Novels, Absolute Friends, A Most Wanted Man)… talagang relevant ang mga issue sa mga libro niya.