Auntie Janey’s Old-Fashioned Agony Column #49: Ate Charo, watch out
Dear Auntie Janey,
Ako ay isang hamak na babae na wala pang naging boyfriend sa 24 na taon na aking pamamalagi dito sa mundo. Aminado ako na hindi po ako kagandahan ngunit kahit papaano ay matalino naman po. Ngunit may isang pagkakataon na ang tadhana ay binibigyan ka ng pagsubok, pagsubok kung gaano katatag ang iyong utak at puso. Ako po ay nag-training sa isang center para sa mga barista at doon po nagsimula ang kalbaryong nararamdaman ko po ngayon.
Nagumpisa ng maayos ang aking training, nagkaroon ako ng pagakakataon na makakilala ng mga bagong mukha at kaibigan. Masaya po ang aking training ngunit may isang tao nagpakomplikado ng bahagya sa aking pamamalagi sa center. Isa po siyang lalake tawagin na lang po natin siya na Totoy Bato, hindi ko po siya kaklase pero sabay po ang oras ng aming training.
Isang araw, habang ako po ay namamahinga pagkatapos kumain ng lunch ay nagkataon po na naglakad-lakad po ako sa corridor ng aming classroom at sa saktong pagharap ko po sa aking likuran ay nandoon po yung lalake, si Totoy Bato po. Nagkita ang aming mga mata ng ilang segundo ngunit ako’y nailang sa pagkakatitig niya sa akin kaya agad ko pong inalis ang aking tingin sa kanya. Pagkatapos po ng mala-mahikang pagtitingin namin po ay naging habit na po niya na tumingin at sumulyap sa akin.
Nakikita ko po siya Auntie Janey, kaya nagtataka naman ako kung bakit ganoon na lamang kung tumingin siya sa akin. Sabi ko nga, hindi ako kagandahan at sa tingin ko po ay mas bata siya sa akin. Ano ba naman yung magugustuhan niya sa akin?
Sa tinagal na panahon na nakakasalamuha ko ang mga lalake, wala pang tumitig na kagaya ng kay Totoy Bato. Isang pagakakataon po na siguradong titigan niya ako ay noong pumunta ako ng CR, kase po Auntie Janey maliit lang po yung mga kwarto namin kaya yung CR na panlalake at pambabae ay nakalugar doon sa tabi ng kwarto nila, eh wala po akong choice kung hindi dumaan sa may kwarto nila at pagkalabas ko po sa CR ay nadoon po siya nakahintay at nakatayo sa may harapan ng pintuan ng CR po ng pambabae at nakatitig sa akin, as in nakatitig po siya. Wala man po siyang sinabi o anuman basta nakatingin po siya sa kin. Ang weird ng moment na yun, kaya ginawa ko po ay umalis na lang po ako na parang walang nangyare.
Marami pa pong beses na nagyari yun pero hindi na po sa may CR, araw-araw na lang ganyan siya basta may pagkakataon tumingin eh titingin siya, nakakairita po ng konte kasi nga po ni Hi or Hello wala po siyang sinasabe. Hindi ko nga alam kung anong gusto niya eh. Pagkatapos po nun eh, nakikismile naman, ewan ko nga ba sa kanya, mukhang may topak na si Totoy Bato sabi ko sarili ko. Ayaw ko pong mag-isip na may gusto siya sa akin eh, dyusko sa dinami-dami ng bata at magaganda sa training center namin bakit ako pa?
Anyway, hindi ko lang po sigurado kung ako nga lang tinititigan niya ng ganun, baka naninigurado lang yung lokong yun. At nung assessment day na po namin Auntie Janey eh, yung pong mga kaklase niya sa may kabilang kwarto ay may parang may kinakanta na KAILAN, yung kanta ng Smokey Mountain, inuulit-ulit pa nung kasama niya yung “bawat araw sinusundan, di ka naman tumitingin, anong aking dapat gawin?” Ayaw ko pong mag-assume na ako po yung pinaririgan nila eh kase masyadong surreal yun para sakin. Nag-highschool ako at tumapak ng college, wala akong naranasan na ganyan. Pagakatapos po nun eh, ulit-ulit na lang po yung ginagawa niya tingin dito tapos smile.
Hindi po siya nagsasalita Auntie Janey, as in wala. Alam naman po niya pangalan ko at alam ko rin naman po pangalan niya kase isa-isa po kaming tinatawag sa assessment po namin. Kung sanang nagsasalita lang siya at inamin niya kung ano pong gusto niya eh di ayus po ang lahat. Baka nga magustuhan ko pa siya.
Ngayon po Auntie Janey eh aksidente ko po siyang nakita sa isang social networking site at may mutual friend pa kami, so inisip ko naman po baka dito ay magsalita na siya, so in-add ko po siya as a friend then after 2 days, kinofirm po niya yung request ko, pero wala pa ring Hi or Hello na galing sa kanya. Pero, in fairness po sa kanya eh pinalitan niya po yung profile picture niya na mas maayos at magandang tignan, eh gwapo naman pala siya eh, yung nga lang di nagsasalita. I sent him a message then Auntie Janey, saying “Hi! Ikaw pala si Totoy Bato? kumusta naman?” nagreply naman pero matipid lang. Tapos yun, wala nanamang sabi-sabi.
Ano po ba sa tingin niyo ang problema ng lalaking yon? Nagtanong na po ako sa nanay ko at kaibigan pero parang hindi man sila convinced, they listen, yes kase anak niya ako at kaibigan ko sila. Hindi ko na alam ang iisipin ko, parang illusionada na lang ako na naga-assume na may gusto siya sa kin. Tapos may nakita akong picture na may kasama siyang babae, mas bata at maganda, estudyante rin siya sa training center namin. Nalungkot ako pero anong magagawa ko?
Sabi ng utak ko, move on pero, may nararamdaman po kasi ako talaga na meron pero hindi ko ma-explain. Mahirap kase eh baka masaktan ako, actually nasktan na po ako dun sa picture eh. Ano po ba sa tingin niyo ang dapat kong gawin Auntie Janey?
Salamat po,
Maria Clara
Mahal Kong Maria Clara,
Nang nabasa ko ang sulat mo, naalala ko ang kanta ni Tootsie Guevarra na “Pasulyap Sulyap”. Ang akmang bahagi ng awit para sa iyo ay “Pasulyap sulyap ka’t kunwari/Patingin tingin sa akin/ Di maintindihan ang ibig mong sabihin/ Kung mayrong pag-Ibig ay/ Ipagtapat mo na sa akin/ Agad naman kitang sasagutin”. Naalala ko rin ang awiting ito dahil ito ang kinanta ng kalaban ko sa tanghanglan ng pag-awit sa labas ng simbahan ng aming lungsod. Natalo ako.
Marami na ang nakaranas sa dinaranas mo ngayon. Marami na ring nabaliw, umiyak, at gumastos – lalo na ang mga bakla.
Kadalasan ang mga pagtitig na mga yan ang dahilan ng pagkasira ng maraming buhay at mga gabing walang tulog. Hindi kita masisi kung bigla kang nawili sa lalakeng yaon. Likas talaga sa atin ang mawili sa mga napupuna nating nawiwili sa atin. Kahit hindi natin aminin, nasasarapan talaga tayo kapag may pumapansin sa atin. Ikaw pa naman titigan araw-araw ng taong hindi mo kilala, tiyak mawiwili ka. “Ano kaya ang nakikita niya sa akin?” tanong mo sa sarili mo. At maiisip mo na siguro may taglay kang bagay na kaakit-akit na hindi mo alam na mayroon ka. “Someone appreciates me” ang paulit-ulit mong sasabihin sa sarili mo buong araw. Tuwing maliligo ka, kakanta ka ng “Yuu layt ap may layp. Yuu gib mi hop to kiri on…”
Sa totoo lang, ang ginawa ni Totoy Bato (alam ko anong istasyon yan) ay ang pinakapangunahing pamamaraan ng pangliligaw. Kahit ang mga tambay diyan sa kanto ay alam ito. Ito rin ang ginagamit ng mga magagandang lalake na walang trabaho at nangangailangan ng pera. Kadalasan, binibigyan nila ng matinding pansin sa simula ang mayamang babae o bakla. Nang masanay na ang babae o bakla sa walang tigil na pagpansin at pagaaroga, bigla na lang titigil ang mga lalake. Maghahanap ngayon ang babae o bakla sa pansin at alaga na dati ay binasbas sa kanila. Sa kagustuhan nilang makuha ulit iyon, magbibigay na sila ng pera, bagay, o gagawa sila ng mga bagay para sa nakaakit sa kanila. Dito kadalasan nagsisimula ang mga iskandalo.
Hindi ko masasabi na umibig si Totoy Bato sa iyo. Pero sigurado akong may balak siya dati sa iyo. Kung may gusto talaga siya sa iyo, sana ay gumawa na siya ng mga hakbang para makilala ka ng mas mabuti. Ngunit hanggang titig lang siya. Hanggang doon lang iyon. Kalimutan mo na siya at tanggalin mo na siya sa Mukha-Aklat.
Ang payo ko para sa lahat ay: Kapag may nagbigay pansin sa inyo, huwag magpahalata na nawiwili kayo. Hintayin ninyo silang gumawa ng mga hakbang para mas lalong mapalapit sila sa iyo. Huwag padalos dalos at huwag masyadong pag-isipan. Tandaan ninyo na ang yaong tunay na may gusto ay maghahanap ng paraan para makuha kayo.
Nagmamahal,
Tiya Janey.
Whether you have a romantic problem or your problem is that you have no romantic problem, you may consult Auntie Janey at agoniesforauntiejaney@gmail.com. All your letters and Auntie Janey’s advice are published in their integral, unedited form.
March 16th, 2012 at 09:09
Maria Clara, sadyang may mga lalaking nagti-trip lang. Ito ay para patunayan sa kanilang sarili na kaya nilang magpa-ibig ng mga babae.
Paborito nilang pagtripan ay yung mga katulad mong “di kagandahan”. Kasi nga naman alam nilang di sila uubra sa mga “kagandahan”.
Tama si Auntie. Kalimutan mo na yan. O kung gusto mo, pagtripan mo din. Patulan mo, pagsasaan mo, at pagsawaan. Ngunit wag na wag kang mahuhulog at nang di ka masaktan.
March 16th, 2012 at 10:52
Tiya Janey, bakit ba kadalasan ang mga taong nagsasabing hindi nila sineseryoso ang ka-relasyon at pinagti-tripan lamang nila ang tunay namang nalululong at nagiging obsessed?
March 16th, 2012 at 12:27
@ # 2 jessicazafra Magandang paksa yan sa susunod na kulom. Hhhmmmmnnnnn…. (mayuming ngiti)
March 16th, 2012 at 13:35
Kung talagang laro lamang ang tingin nila sa relasyon at walang halaga, hindi sila mag-aaksaya ng panahon at laway upang maliitin ito. Tila nililinlang nila ang kanilang mga sarili (ilaglag ang panyo).
‘ika na ni Lolo Shakespeare, “Methinks the lady doth protest too much” (takpan ng abaniko ang bibig).
March 16th, 2012 at 13:59
@# 4 jessicazafra : (sabay ding tinakpan ng abaniko ang bibig na may kasamang mahinhin na hagikhik)
March 16th, 2012 at 14:38
@ Tiya Janey, ako po si Maria Clara. Malugod ku pong tinatangap ang iyong mga payo. Alam ko na po ngayon na si Totoy Bato po ay isang vacuum cleaner sa kanyang past life sa kadahilanan na isa siyang henyo sa sipsipan o paghigop. Nanghihigop ng lakas mula sa mga kababaihan upang sila ay manghina at bumigay sa kanyang kagustuhan. Maraming salamat tiya Janey at ako po ay iyong natulungan na buksan ang aking isipan sa isang mapagpagap na tao. Inalis ko na rin po siya sa Mukha-Aklat tiya. (mayuming ngiti)
March 16th, 2012 at 14:51
Meron ngang mga lalakeng nagprapraktis lang ng panliligaw sa mga hindi kagandanag babae. Karamihan sa mga babaeng pinagpraraksihan ay mga dispatsadora sa SM. Mga gago ang lalakeng ganun. Huwag ka magpalinlang, Maria Clara.
March 16th, 2012 at 14:59
Ang naive naman ni Maria Clara. Obviously may maitim na balak siya sayo (sex, hello), at iniintay lang niya na bigyan mo siya ng signal. Para ang isang lalake tumayo sa pinto ng CR kung kailan ka papasok dito at titigan ka? Kung gusto ka niya makikipag-usap yan. Malamang hindi nagwo-work sa mga magagandang babae yang titig tactic niya, so sa mga hindi kagandahan na tulad mo na vulnerable sa attention ang tina-target niya.
March 16th, 2012 at 16:51
Auntie Janey, hindi lahat ng bakla “gumagastos.” Ganito ba talaga ang iyong tingin sa amin, desperado para sa atensyon at pagmamahal? Sana’y lawakan mo naman ang iyong perspective.
March 16th, 2012 at 16:52
Hoy, huwag kayong masyadong mapagpintas. Maliban lang kung umuapaw ang inyong kagandahan. Hahaha!
March 16th, 2012 at 19:02
Maria Clara, may kasabihan: Daig ng malandi ang maganda (pati na matalino, lalo na ang mahinhin, at minsan pati na mayaman). Malalaman mo lamang ang katotohan kung may tapang kang makipagsapalaran. Subalit ‘wag mong ipagwawalang bahala ang sinabi ni Tiya Janey, “Huwag padalos dalos at huwag masyadong pag-isipan.”
March 16th, 2012 at 20:13
@ Jules: Nakipagsapalaran na po ako at nalaman ko na rin ang katotohanan na may iba siyang sinusuyo talaga. Ayos na po yun. Alam ko narin po yung kagagahan na ginawa ko, natuto na po ako :) Salamat po sa payo.
March 16th, 2012 at 21:33
pano ba kasi maging malandi na di halatang malandi? pwde nga ba yun?
March 16th, 2012 at 22:07
Isang akmang awitin ni Binibining Tootsie Guevarra ang naangkop para kay Maria Clara ay ang “Kaba” http://www.youtube.com/watch?v=_Yw51rGtxcU
Maria Clara, harinawa’y naliwanagan ka nang husto ukol sa iyong suliranin patungkol kay Totoy Bato. Bilang na lamang sa daliri ng ating kamay at paa ang mga lalaking tunay at busilak ang mga puso kaya karampatang pag-iingat ang kakailanganin. Dapat tayong maniguro at mag-usisa ng husto. Ngunit, subalit, datapwat, kung hindi naman sila magseseryoso sa kanila mga adhikain na mapa-ibig ang kababaihan, sino ang makakapagsabihin hindi tayo pwedeng makipagsabayan sa kanila, nyahaha! Sa madaling sabi, wag kang magpapalamang!
Tiya Janey, paumanhin sa paglihis ko sa iyong pananaw. May karapatan din naman kaming lumigaya, hindi ba?
O siya, ako’y lilisan na at kailangan ko pang mag-almirol ng baro’t saya XD
March 16th, 2012 at 22:13
Sa aming pakiwari, maaari mong gawin ang lahat na ninanais mo basta’t handa mong panindigan ang mga di kanais-nais na resulta ng iyong kagagahan, at mayroon kang kakayahang pagtawanan ang iyong sarili.
Maria Clara, huwag kang humingi ng paumanhin. Lahat ng tao’y bobo pagdating sa mga bagay na iyan. (Tinawag ang tsaperon upang mamasyal dahil hindi puedeng lumabas sa bahay nang mag-isa.)
March 17th, 2012 at 01:56
@#15 jessicazafra: Isang malaking tsek!
@#9 edmundolee: Hindi ko sinabi na ang lahat ng bakla ay gumagastos. Ngunit may katotohanan din naman na maraming bakla ay gumagastos o napagastos. May mga kakilala akong umamin sa ganitong gawain at nakikita ko rin ito sa aking araw-araw na pakikipagsapalaran sa buhay. Pumunta ka lang sa Department Store ng SM sa Men’s Wear Section at maiintidihan mo ang sinasabi ko. Para malinaw tayo, hindi ko nilalagay ang mga bakla sa isang stereotype.
@coffee.princess: Lahat tayo ay hangal pagdating sa pag-ibig.
Para sa lahat: Hindi ko hinahadlangan ang inyong pagkamit ng kaligayahan. Hindi ko rin tinatapakan ang karapatan at adhikain ng mga kababaihan(Isa pang posibleng paksa ng kolum. Kailangan natin ng balitaktakan sa isyu ng peminismo) Taga bigay lamang ako ng payo at hindi kailangan sundin ang mga ito. Ihahintulad niyo na lang ako sa “Warning: Cigarette smoking is bad for your health” sa isang kahon ng sigarilyo.
March 18th, 2012 at 12:56
Buti na lamang at nagbasa ako ng mga kumento bago ako nag-sumite ng aking opinyon. Gayunpaman ay hayaan mo akong magsalita dahil pakiramdam ko ay kailangan mo itong marinig, Maria Clara. Sana ay iyong pakinggan at, kung hindi mo mamasamain, ay pag-isipang maigi dahil lahat tayo ay makikinabang sa ganitong suhestiyon. Handa ka na ba, Maria Clara? Heto na yon…
More power, teh.