Camus in Tagalog
The Stranger (L’Etranger) by Albert Camus
Isinalin sa Tagalog (mula sa bersyong Ingles nina Matthew Ward at Stuart Gilbert) nina Louella Tumaneng, Oliver Lopez, Rhedd de Guzman, Jesus Lozada, Miguel Lauresta, Lloyd Nicholas Vergara, Deo Giga, Christian Paul Ramos, Diana Velasco, Karen Olympia, M. Protacio-De Guzman, Patricia Corre, at Rosauro Q. de la Cruz.
Unang Bahagi
Unang Kabanata
Namatay si Inang ngayong araw. O baka kahapon ‘yon. Ewan ko. Ang sabi sa telegrama: “Pumanaw iyong ina. Bukas libing. Lubos nakikiramay.” Wala namang katiyakan. Baka kahapon nga.
Nasa Marengo ang asilo para sa mga matatanda, halos limampung milya mula Algiers. Mga alas-dos ako sasakay ng bus nang makarating doon bago dumilim at makapaglamay pa. Bukas kinagabihan ay babalik na ako. Dalawang araw na liban ang hiningi ko mula sa aking pinaglilingkuran. Mukhang yamot siya dahil hindi siya maaaring tumanggi. “Pasensya na, sir. Hindi ko po kagustuhan,” dagdag ko. Wala siyang kibo. Naisip ko tuloy na hindi ko na kinailangang sabihin iyon. Wala akong dapat ipagpaumanhin. Siya nga dapat ang nakikidalamhati. Marahil ay sa makalawa nya na ito ipaparamdam, pagbalik kong nakasuot panluksa. Sa ngayon, parang hindi pa talaga tuluyang patay si Inay. Sa libing nalang mapapako ang lahat ng mga kaganapan.
Naabutan kong nagsasakay pa lang ang bus. Kasagsagan ang init ng araw. Tulad ng dati, sa karihan ni Celeste ako kumain. Nakiramay ang lahat ng nandoon. “Walang papalit sa isang ina,” sabi ni Celeste. Pagkatapos ko ay nag-abala pa silang samahan ako sa may pinto. Dali-dali akong nagpaalam dahil papanhik pa ako kina Emmanuel para manghiram ng kurbata at gasang itim. Namatayan din siya ng tiyuhin ilang buwan na ang nakalipas.
Tumakbo ako nang hindi maiwanan ng bus. Dahil siguro sa aking pagod, kasama na ang tagtag ng sasakyan, amoy ng krudo, at nakakasilaw na liwanag sa paligid kaya ako inantok at nakatulog sa kalatagan ng biyahe. Nagising nalang akong nakahilig sa isang sundalo. Ngumiti siya at itinanong kung malayo ang aking pinanggalingan. Tumango lang ako para wala ng ibang mapag-usapan.
Isang milya pa ang layo ng asilo mula sa bayan. Nilakad ko ito. Pagkarating ay nakiusap ako na makita kaagad si Inang ngunit sinabihan ako ng tagabantay na makipag-usap muna sa direktor. Abala pa siya kaya kinailangan kong maghintay. Habang nagpapalipas ay naka-kwentuhan ko muna ang tagabantay. Pagkaraan ay ihinatid niya ako sa opisina kasunod ang direktor. May katandaan na ang direktor at mababa ang kanyang taas. Nakalapat sa sulapa ng kanyang kasuotan ang liston ng Lehiyong Pandangal. Tumitig sa akin ang matatalas niyang mga mata at kinamayan niya ako nang matagal hanggang sa nakaramdam ako ng pagkahiya. Binasa niya nang kaunti ang mga nakasalansan na papel at sinabi, “Nakatatlong taon dito si Madam Meursault at ikaw lang ang kanyang tanging inaasahan.” Tila may gusto siyang isisi sa akin kaya sinimulan kong magpaliwanag. Ngunit nagsalita din siya kaagad, “Hindi mo na kailangang mangatwiran, iho. Nabasa ko naman sa mga talaan na wala kang kakayahan na alagaan nang mag-isa ang iyong ina. Katamtamang halaga lang ang kinikita mo at hindi sapat upang tustusan ang lahat ng kanyang pangagailangan. “Opo, sir,” sagot ko. “Sa totoo lang,” dagdag pa niya, “Naging mas masiyahin ang iyong ina dito. Alam mo kasi, marami siyang ka-edad na naging kaibigan at madalas niyang nasasariwa ang mga nakaraan. Nasa murang edad ka pa kasi kaya nahirapan kang samahan siya.”
Totoo nga ito. Noong magkasama pa kami, laging nakamasid si Inang pero bihira lang siya magsalita. Nung mga unang araw niya sa asilo lagi siyang naiiyak. Matapos ang ilang buwan ay kinahiratihan na niya ang lugar at mapapaiyak mo pa kung sasabihang ilalayo mo siya dito. Isa na ito sa mga dahilan kung bakit nabawasan ang aking pagdalaw noong nakaraang taon. Ako man din ay pagod nang bumiyahe sa bus ng dalawang oras tuwing Linggo.
Kinausap ulit ako ng direktor ngunit hindi na ako gaanong nakikinig. “Sa palagay ko ay gusto mo na makita ang iyong ina,” pahayag niya. Tumayo ako nang hindi sumasagot at sumunod sa kanya palabas. Habang bumababa sa hagdan ay ipinaliwanag niya, “Inilipat namin siya sa kapilya nang ‘di mabahala ang iba. Tuwing may namamatay kasi ay nababalisa sila ng dalawa hanggang tatlong araw. Mahirap silang alagaan kung ganito.” Tumawid kami sa isang bakuran kung saan maraming mga matatanda ang nag-uusap. Parang mga siyap ng sisiw ang tunog ng kanilang mga usapan. Lahat sila ay tumatahimik kapag nadaraanan. Makalipas ay magsisimula ulit ang mga kwentuhan nila sa likod namin. Huminto ang direktor sa tapat ng isang mababang gusali. “Maiwanan muna kita, Ginoong Meurseult. Nasa opisina lang ako kung kakailanganin. Gaya n