Transit map of Manila by Ige Ramos
Matagal na akong hindi nakikipagtalo sa tsuper ng taksi. Napagpasyahan ko na mahalaga ang aking oras at hindi ko ito aaksayahin sa walang kwentang bagay. Nguni’t minsa’y sadyang nakakainis ang mga tsuper.
Kanina’y sumakay ako ng taksi sa Makati. “Maari bang dumaan muna sa gasolinahan na may LPG? Diyan lang,” sabi ng matandang tsuper. “Sige po,” sagot ko. Napansin ko na may kalayuan ang gasolinahan. “Sabi ho ninyo ay malapit lamang,” sabi ko sa tsuper. Siguro’y dalawang kilometro ang layo ng istasyon. “Mahirap kasing makahanap ng LPG,” sagot niya. Hindi na ako nagreklamo kahit nakababa na ang metro at ako ang sisingilin para sa dagdag na distansya.
Pagdating sa aking paroroonan, P55.00 ang presyong nakatala sa metro. Binigyan ko ang tsuper ng eksaktong P65.00; wala nang “tip” dahil ako ay nagambala. Pagkatapos tanggapin ng tsuper ang bayad ay pumatak uli ang metro. Hindi pala niya ito itinaas. “Kulang,” sabi ng tsuper. “Dagdagan mo pa.”
Hindi na ako nakapag-isip dahil umandar na ang aking bibig. “You have the gall to charge me extra? In the first place you charged me for your trip to the gas station and I didn’t complain because I was being charitable, and now you try to bilk me for change?”
Totoong mabilis akong magsalita kapag ako ay nabubwisit. Tiningnan ako ng tsuper na parang ako’y taga-ibang planeta. Baka hindi niya alam na sanay akong matingnan na parang ako’y taga-ibang planeta. Madaliang umalis ang taksi. Kapaskuhan na talaga—lumalabas na ang sungay ng mga tsuper.
Ikinuwento ko kay Mike ang pangyayari habang kami’y nanananghalian. “Mayroon din akong kuwento tungkol sa taksing nasakyan ko kanina!” sambit ni Mike. At narinig ko ang kahindik-hindik na kuwento na saka ko na ibabahagi sa inyo.