(L-R) James and Phil Younghusband. All photos by JZ.
Noong isang linggo’y nakatanggap kami ng paanyaya mula sa Collezione para sa isang pananghalian at talakayan upang ipakilala ang kanilang mga bagong “brand ambassador”, sina Santiago at Felipe Batangasawa. Ang magkapatid na Batangasawa ay mestizong Pilipino at Ingles na manlalaro ng futbol. Sila ay bahagi ng pambansang koponang tinaguriang “Azkals”.
While we’re snapping pictures of designer Rhett Eala and Collezione C2’s new endorsers, Rhett is snapping pictures of us for his blog.
Ang Collezione naman ay kompanyang Pilipino na nagtataguyod ng ‘fashionalism’—ang pagtaguyod ng nasyonalismo sa pamamagitan ng pananamit. Kilala nating lahat ang mga kasuotang nilikha ni Rhett Eala para sa Collezione C2, lalo na ang mga barong may disenyo na mapa ng Pilipinas.
Bagama’t masyadong maaga para sa amin (10.30am) ang okasyon, minabuti naming dumalo upang makapag-usyoso. Tutal ay sikat na sikat ang Azkals ngayon, at biglang nagkaroon ng malawakang interes sa futbol ang madlang Pilipino na dati’y walang kinikilalang laro kundi basketball at boksing. Kaya di nakapagtatakang walang bakanteng upuan sa Conservatory kaninang umaga.
Nakipagtalakayan ang mga Batangasawa sa emcee, pagkatapos ay nagkaroon ng open forum kung saan nagtanong ng. . .tanong ang mga alagad ng media. Sinabi ng mga Batangasawa na malaking karangalan para sa kanila ang makalaro sa koponang pang-reserba ng tanyag na Chelsea football club kung saan ang coach ay si Jose Mourinho. Noong 2010, nagtayo ang mga Batangasawa ng Younghusbands Football Academy para sa mga bata dito sa Pilipinas. Ngayong 2011, maglalakbay sila sa mga lalawigan upang tulungan ang mga paaralan sa pagtuturo ng futbol. Balak nilang palaganapin ang paglalaro ng futbol sa ating bansa.
Nice pants.
May ilang tanong tungkol sa buhay romantiko ng magkakapatid na talaga namang maraming tagahangang babae. Sinabi ni Felipe na hindi siya ang tipo ng lalaki na lalapit sa mga hindi niya kakilala at makikipagkaibigan. Karaniwan ang kanyang mga kaibigan ay nakilala sa trabaho o sa pamamagitan ng kanyang pamilya. Dinagdag naman ni Santiago na hindi niya mamasamain na ang babae ang makipagkilala sa kanya at anyayahan siyang lumabas dahil medyo mabagal siya sa mga ganitong bagay.
Nagtanong ang aming kaibigang si Myrza kay Felipe tungkol sa pakikipagkaibigan nito sa artistang si Angel Locsin. Kinailangan naming i-google ang impormasyong ito at hindi namin nasusundan ang mga balita tungkol sa artista, bagama’t palagi kaming nanonood at nanlalait ng pelikula. Kaya’t hindi namin gaanong naunawaan ang sagot ni Felipe, nguni’t sa wari nami’y mabuti naman sila.
May pumuna sa disenyo ng mga pantalong Collezione C2 na suot ng magkapatid—maliliit na pating at balyena. Sinabi ni Santiago na natutuwa sila sa disenyo dahil noong bata pa sila’y nakapanood sila ng Free Willy.
Nabanggit din nina Santiago at Felipe na sa kasalukuyan sila ay natututong magsalita ng Pilipino. Naalala namin na matagal na kaming hindi nagsusulat sa Pilipino kaya’t naisip naming gawin ito.
This photo courtesy of Collezione C2. Colors!
Ang mga bagong disenyo ng Collezione C2 ay matatagpuan ngayon sa lahat ng tindahan ng Collezione.