Kanina’y naisip namin na sa tagal ng aming pagsusulat ay hindi pa kami nakakalikha ng ulat pampalakasan sa wikang Tagalog. Dumating ang tamang pagkakataon kanina, nang lumaban ang pambansang koponan ng rugby sa kampeonato ng A5N Unang Dibisyon. Mae-ehersisyo na ang aming utak, matutulungan pa natin ang mga manlalarong mestiso na matuto ng Tagalog upang matigil na ang mga nagsasabing hindi sila tunay na Pilipino.
Kung kayo’y walang ginagawa at nais ninyong aliwin ang sarili, pakisalin ang ulat na ito sa Ingles gamit ang Google Translate. (Nakakatuwa ang isinalin ng makina!)
Ang Kagila-Gilalas, Kahindik-Hindik at Kahanga-Hangang Pakikipagsapalaran ng Mga Bulkang Pilipino
Ulat nina JessicaRulestheUniverse at Brewhuh23
Sabado, alas-singko ng hapon sa Rizal Memorial Stadium sa Maynila nang magharap ang dalawang pinakamagaling na koponan sa Unang Dibisyon ng Limang Bansang Asyano sa larong Rugby.*
* Ang Asian 5 Nations o A5N ay tumutukoy sa limang bansa sa pinakamataas na antas ng rugby sa Asya. Ang Unang Dibisyon ang pangalawang antas sa A5N, at ang kampeon dito ay aakyat sa Top 5 na kasalukuyang kinabibilangan ng Japan, Hong Kong, Kazakhstan, Korea at UAE. (Isa naman sa limang ito ay malalaglag at bababa sa Unang Dibisyon.) Ang kampeon sa Top 5 ay papasok sa 2015 Rugby World Cup. Ang pangalawang koponan sa Top 5 ay papasok sa isang repechage para sa pagkakataong makasali sa 2015 Rugby World Cup.
Ilan sa mga Bulkan: Kapitan Kuya Michael Letts, Lolo Austin Dacanay, James Price, Patrice Ortiz Olivier, ang magkapatid na Joe at Luke Matthews, Justin Coveney at Phil Abraham. Ritrato kuha ni JZ.
Naglaban ang Sri Lanka at Pilipinas, na pawang 2-0 sa paligsahang ito matapos talunin ang Singapore at Chinese Taipei. Dating Top 5 Nation ang Sri Lanka. Ang pambansang koponan ng Pilipinas na tinaguriang Mga Bulkang Pilipino ay nakapasok sa Unang Dibisyon noong 2010.
Unang nakatala ng puntos ang Pilipinas sa pamamagitan ng penalties na sinipa ng lipad-kalahati (fly-half) na si Oliver Saunders (10). Nakagawa naman ng try sina Joe Matthews na pakpak (wing, 14) at si Michael Letts na buong likod (fullback, 15) at kapitan ng mga Bulkan. Napaka-pisikal ng depensa; ilang manlalaro ng Sri Lanka ang nagtamo ng pinsala at binuhat papaalis.
Katakut-takot na balibagan, tulakan at hablutan ang aming nasaksihan: walang takot na nakipagbakbakan ang mga Bulkan at ilan sa kanila ay duguan pagkatapos ng laro. Halatang namamaga ang kaliwang mata ni Matt Saunders (gitna, 13), na kung makipag-agawan sa bola ay tila naghahanap ng sakit (Noong Miyerkules naman ay naglaro siya na may benda sa ulo).
Ganito maglaro si Matt Saunders. Ritrato kinunan ni Jun Mendoza ng Philstar.
Ang pinakamaliit na manlalaro sa koponan na si James Price (kalahating-scrum/scrum-half, 9) ay nakakapagpabagsak ng manlalarong dalawa o tatlong beses ang laki sa kanya. Nagtapos ang unang kalahati sa score na 23-3, lamang ang Pilipinas.
Muntik nang makahabol ang Sri Lanka sa pangalawang kalahati. Kadalasan ang bola’y nasa kamay ng Sri Lanka at bagama’t masigasig ang depensa ng mga Bulkan ay nakapagtala ang kalaban ng dalawang try at penalty. Mabuti na lamang at naagaw ng mga Bulkan ang bola at naipasa kay Justin Coveney (12) na rumaragasang tumakbo patungong goal at isinaksak ang bola sa lupa kasama ng kanyang mukha. Hindi na nakasagot ang Sri Lanka. Nagwagi ang Pilipinas sa score na 28-18; pasok ang Mga Bulkang Pilipino sa Asian Top Five.
Mga Bulkang Pilipino, inaasam ang pagkapanalo. Maraming salamat sa napakagaling na pambansang coach Expo Mejia. Ritrato kuha ni JZ.
Ang aming ampon (tawagin na lamang natin siyang Maddox) na si Patrice Olivier, kasama sina Brewhuh at Chronicler of Boredom. Matagal bago namin nakausap si ampon dahil nakaparaming humahalik at nagpapakuha ng ritrato na kasama siya. At pinapahawakan pa kay Patrice ang kanilang mga sanggol! Samakatwid ay maari na siyang tumakbo sa eleksyon. Kinunan ng ritrato ni JZ.
Si Matt Saunders, ang namamaga niyang mata, at ang kasintahan niyang si Dee Tovell. Kinunan ng ritrato ni JZ.
Bukas ay tutungo sina Matt at Oli Saunders at ang kanilang mga magulang sa Bugallon, Pangasinan upang tumanggap ng parangal mula sa lalawigan. Laking Bugallon si Mrs Marilou Abalos Saunders, at doon naninirahan ang lola at mga kamag-anak nina Oli, Matt at Ben.
Si Oli at Matt ay propesyonal na manlalaro ng rugby sa Tokyo.
Hindi lamang mga sanggol kundi ang aming kaibigang publisista na si Edd Fuentes ang nagpakuha ng ritrato kasama si Patrice. Madalas kaming tanungin ni Edd kung ano bang ka-etchingan yang ragbi-ragbi na yan, kaya’t isinama namin siya. Natuwa naman ito at manonood ulit. Salamat din sa mga mambabasa ng blog na ito na lumapit sa amin at nagpakilala. Hindi naniniwala si Edd na may nagbabasa dito hahahahaha.
Basahin ang aming kolum sa Philstar tungkol sa kasosyalang rugby. (Ang artikulo ay nasa baba ng pahina, sa ilalim ng mga Louboutin.)
Maraming salamat nga pala sa Globe at sa HSBC para sa mga tiket namin.
Nagpapatuloy ang ka-etchingan sa Comments. Narito kami ni Brewhuh upang sagutin ang inyong mga katanungan.